Feb 4 | Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
📖 Pagbasa: Marcos 1:29-39
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Andres at Simon. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.
Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at kanyang mga kasama. Nang siya’y matagpuan, sinabi nila, “Hinanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makaparangal ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Pagmamasid
Sa panahon ngayon, marami na ang sakit na madali lang ang lunas. Tulad ng sa lagnat, sipon, ubo… kahit na nga sa mas malulubhang karamdaman ay may kaakibat na panlunas. Kung hindi na makayanan ng ordinaryong gamot, tayo ay pumupunta sa ospital para magpatingin. Ngunit noong unang panahon ay hindi pa natutuklasan ang maraming lunas at gamot. Saan kaya pumupunta ang mga tao noon?
Paghahawi
Nakahiga ang biyenan ni Pedro na may lagnat, lumapit Siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at agad na naglingkod sa kanila.
“Hinanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makaparangal ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.”” Marcos 1:37-38
Pagtatabas
Ano ang ginagawa natin kapag naibsan na ang ating sakit?
Pagsasaayos
Sa makabagong panahon natin ngayon na maraming sakit na ang may lunas o bakuna ay marami pa rin ang naghihirap. Tila wala itong ipinagbago sa panahon ni Kristo kung saan makikitang napakaraming tao pa rin ang may karamdaman na pumipila sa mga ospital o klinika ng mga duktor upang malunasan ang karamdaman.
Kapag tayo ay may nararamdamang sakit sa katawan, kadalasan ang una nating tatawagin upang malunasan ito ay ang Panginoon. Tayo ay nagdarasal na sana tayo’y gumaling ng agaran. Kahit na nga tayo ay nasa ospital na ay taimtim pa rin ang ating panalangin sa Kanya. Kung gagaling ang ating karamdaman, ano ang ginagawa natin? Tayo ba ay una sa lahat, nagpapasalamat? Ano pa ang ating ginagawa?
Hinahamon tayo ni Hesus na maging mapaglingkod tulad Niya sa mga may karamdaman. Hindi sapat ang taimtim na pagdarasal. Kailangan ay isinasabuhay din natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaruga sa mga nangangailangan. Ito ang pinakamabisang paraan upang mapalaganap natin ang Kanyang mga aral; ang pagsasabuhay ng Kanyang Salita at maging daluyan ng Kanyang grasya sa kapwa.
Pagdiriwang
Ano ang higit na nakaantig sa akin tungkol kay Hesus: ang malasakit niya sa mga may karamdaman at inaalihan ng diyablo, o ang kanyang taimtim na pananalangin? Bakit?
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comentários