top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Ang Misteryo at Trahedya ng Pagtanggi kay Hesus

Updated: Jul 3, 2024

July 7 | Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon

📖 Pagbasa: Marcos 6:1-6


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa sariling bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Nagtaka ang maraming nakarinig sa kanya at nagtanong, “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga kababalaghan? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At siya’y ayaw nilang kilanlin. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon, maliban sa pagpapatong ng kanyang kamay sa ilang maysakit upang pagalingin ang mga ito. Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️


Pagmamasid

Naniniwala ba tayo kaagad sa kakayanan ng ating mga kaanak? Minsan nga mismong mga kapatid natin na kasama nating lumaki ay pinagdududahan natin at pinagtatawanan. Hindi natin siniseryoso ang kanilang angking galing hanggang sa kanya itong mapatunayan; sa pamamagitan ng mga award o pagkapanalo sa mga contest. Minsan naman, hindi tayo tuwirang naniniwala sa ating mga mahal sa buhay dahil sa tayo’y nagtatampo o nasaktan. Si Hesus man ay hindi ligtas sa ganitong pagdududa! At ito’y nagmula pa mismo sa kanyang sariling bayan. Dahil nga ba sa labis na pagkakilanlan o sa pagtatampo kaya’t siya’y nakaranas ng pagdududa mula sa kanila?


Paghahawi

Nangaral si Hesus sa sinagoga ng kanyang bayan, sa una ay namangha ang mga tao, ngunit nagtaka sila na ang tulad ni Hesus na anak lamang ng karpintero ay nagtataglay ng ganitong karunungan. 


“At siya’y ayaw nilang kilanlin. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Marcos 6:4

Pagtatabas

Paano ko ba itinatakwil si Hesus sa ating buhay?


Pagsasaayos

Aminin man natin o hindi… hindi sa lahat ng pagkakataon ay bukas tayo sa mga biyaya at turo ni Hesus. Maaaring mayroon tayong tampo dahil sa panalangin sa tingin natin ay hindi dininig o kaya nagdududa na tayo kung tayo talaga bang pinakikinggan. Minsan naman tayo’y nahihiya dahil sa napakarami nating kasalanan. 


Alam na natin ang lahat ng turo ng Panginoon at nasa puso na natin ito, ngunit minsan ay ayaw natin itong tanggapin dahil sa pagtatampo o kahihiyan.


Kailangan natin ibukas ang ating isipan at kalooban upang tanggapin ang mga biyaya ng Panginoon. Subukan natin paghilumin ang ating sama ng loob sa malalin na pakikipag-usap sa Kanya. Subukan nating intindihan ang dahilan kung bakit hindi tila dininig ang ating panalangin at baka makita natin na may mas magandang naidulot ito sa ating buhay. 


Kung tayo ay makasalanan, kailangan natin magkumpisal. Sa ganitong paraan lamang natin mapapadaloy muli ang grasya at pagpapala ng Panginoon sa ating buhay. 


Pagdiriwang

Bukas ba ang aking puso na tanggapin ang pagmamahal ni Hesus? Anu-anong mga balakid ang maaaring humahadlang sa Kanyang pagpapala?


🙏 Manalangin tayo…

+ Panginoon, hipuin Mo kami ng iyong mapagpagaling na kamay upang matanggap namin ang Iyong kapatawaran na siyang magpapagaling sa amin at kami’y muling magbalik –loob sa iyo. Amen.


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇 


Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________



19 views0 comments

Recent Posts

See All

Commenti


bottom of page