top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Sumasampalataya Kami sa Diyos ng Buhay at Kabuuan

Updated: Jun 26, 2024

June 30 | Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon

📖 Pagbasa: Marcos 5:21-24. 35b-43


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, muling tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, nakasakay sa bangka. Nasa baybay pa siya ng lawa ay pinagkalimpumpunan na siya ng maraming tao. Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Pagkakita kay Hesus, siya’y nagpatirapa sa kanyang paanan, at ang samo: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya’y gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Hesus. At sinundan siya ng napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.


May ilang dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.” At wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga tao; may mga nananangis pa at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” Ngunit pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng bata at sa tatlong alagad, at sila’y pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Siya’y labindalawang taon na. At namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipaalam ito kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️


Pagmamasid

Nakasaksi ka na ba ng pagpanaw ng buhay? Maaari itong isang pinakamamahal na alagang aso, o pusa. Maaari rin naman itong mahal natin sa buhay tulad ng magulang, kaanak o kaibigan. Ano ang naramdaman natin nang mangyari ito? 


Paghahawi

Pinagkakaguluhan si Hesus dahil sa Kanyang mga gawain: mga pangaral at pagpapagaling sa mga may sakit. Nagmakaawang dumulog si Jairo na pagalingin ang kanyang anak na may sakit. Hindi pa man dumating sa kanilang tahanan ay may nagsabi na kay Hesus na patay na ang anak ni Jairo at huwag na siyang gambalain na magtungo sa kanila. Ngunit sinabi ni Hesus na hindi pa patay ang bata kundi natutulog lang.  


“Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Mateo 5:41-42

Pagtatabas

Naniniwala ba tayo na handog ni Hesus ang walang katapusang buhay?


Pagsasaayos

May dalawang mensahe ang Ebanghelyo ngayong linggo:

Una, Ang lahat ng buhay sa mundo ay may hangganan. Maging ang mga puno, hayop at tao ay hahantong sa pagpanaw. Ang mahalaga ay malaman natin na sa pamamagitan ni Hesus, hindi katapusan ng buhay ang pagpanaw ng buhay sa mundo. May maluwalhating buhay na naghihintay sa ating lahat kasama Niya sa pagtatapos ng buhay natin sa mundo. Iniligtas na Niya tayo sa kasalanan kaya’t ang hamon ay sumunod sa utos niya at gumawa ng kabutihan at iwasan ang kasamaan upang mapag-handaan ang buhay ng kaluwalhatian. 


Ikawala, habang tayo nabubuhay ay may dadating na unos o problema na sa palagay natin ay hindi natin malalagpasan. Tulad ng kuwento sa sipi ng Ebanghelyo ngayon, ni kamatayan ay hindi hadlang para kay Hesus. Matuto tayong magtiwala sa kapangyarihan ng Panginoon na ayusin ang mga problema na ating nararanasan.  


Pagdiriwang

Pagnilayan: Ano ang saloobin ko kapag sumasapit ang pagdurusa (o kamatayan) sa buhay ng mga mahal ko? Ano ang aking reaksiyon kapag tila hindi pinakikinggan ng Diyos ang aking mga dasal?


🙏 Manalangin tayo…

+ Panginoon, palakasin mo ang aming pananampalataya upang kami ay gumaling sa lahat ng karamdaman at paginhawahin ang aming mga puso mula sa aming galit at kasalanan.


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇 


Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________



49 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


bottom of page