June 23 | Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon
📖 Pagbasa: Marcos 4:35-41
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong araw na yaon, habang gumagabi’y sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan ni Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangit at ng dagat?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Pagmamasid
Nagkaroon ka na ba ng problemang sa tingin mo ay hindi mo na malalagpasan? Halimbawa, nag-away kayo ng iyong best friend at ay na niyang makipag-bati sa’yo; o kaya may nasira kang kagamitan ni nanay na ginamit mo ng walang paalam; o kaya, bumagsak ka sa final exam kaya’t sa iyong palagay ay hindi ka makakasama sa moving up ceremony ng klase! Naku, parang katapusan na ng mundo hindi ba? Ganito rin ang naranasan ng mga alagad ni Hesus nang sila’y bayuhin ng matinding unos o bagyo at sa kanilang akala ay lulubog na ang bangka at sila’y mamamatay!
Paghahawi
Natatakot ang mga alagad sapagkat hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na ang bangkang sinasakyan nila. Ginising nila si Hesus habang mahimbing na natutulog sa isang sulok ng bangka at agad Niyang pinatila ang bagyo!
“Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangit at ng dagat?” Marcos 4:40-41
Pagtatabas
Ano ang problemang bumabagabag sa aking kalooban? Kanino tayo humihingi ng tulong?
Pagsasaayos
Hindi laging panatag ang paglalakbay natin sa buhay. Karaniwan may dumadating sa ating buhay, ang iba maliit at ang iba naman ay malaki. Tulad ito ng unos sa Ebanghelyo ngayong linggo, ang ilang alon ay maliit ngunit ang iba naman ay malaki. Kung magsasabay sabay ito, pakiwari natin ay katapusan na ng ating buhay. Maaaring pakiramdam natin ay nawawalan na tayo ng pag-asa at hindi na natin kakayanin ang problema.
Alalahanin natin na si Hesus ay laging nasa sulok lamang ng ating puso at hindi niya tayo iniiwan. Maaaring sa ating pagkataranta sa dami ng problema at pagsubok ay nalilimutan natin ito. Kaya’t mainam ang pansamantalang manahimik at magdasal.
Humingi tayo ng tulong kay Hesus. Una, hingan natin siya ng kaginhawaan. Sumunod, itaas natin ang ating problema sa kanya at manalangin sa Espiritu Santo na gabayan tayo at bigyan ng karunungan at kalakasan upang unti-unting maayos ang ating problema. At sa huli, huwag kakalimutan magpasalamat sa Ama sa Kanyang pagmamahal at biyaya!
Pagdiriwang
Sa lahat ng pagsubok sa buhay na aking kinakaharap, patuloy ba akong nagtitiwala kay Jesus?
🙏 Manalangin tayo…
+ Panginoong Jesus, maraming salamat sa iyong patuloy na paggabay, sa pagbibigay ng pag-asa sa gitna ng mga problema, at lakas sa lahat ng aming takot, pangamba, at pagkabalisa sa buhay. Amen. +
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
תגובות