top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Mga Saksi at Katuwang ng mga Nakamamanghang Gawa ng Diyos

Updated: Jun 14, 2024

June 16 | Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon 

📖 Pagbasa:Marcos 4: 26-34


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa’y siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbong muna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga butil. Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin.


“Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos?” sabi pa ni Hesus. “Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, ito’y nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito.”


Ang Salita’y ipinangaral ni Hesus sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga; ngunit ipinaliwanag niya nang sarilinan sa kanyang mga alagad ang lahat ng bagay.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️


Pagmamasid

Nakasubok ka na ba magtanim ng halaman mula sa buto? Hindi ba sa school pinagpapatubo tayo ng halaman mula sa butil ng munggo? Makikita natin na sa simpleng pagbasa sa buto ay tutubo ito at magkakadahon. Anupa’t makalipas ang ilang araw ay maaari na natin itong ilipat sa lupa upang lalong umusbong at kalaunan magbunga! Lubos mo bang naiintindihan ang nagaganap sa pagtubo ng buto? Ang kahanga-hangang katangian ng pag-usbong at pagtubo ng mga halaman na kalaunan nagiging puno ang paksa sa talinghaga ni Hesus ngayon.


Paghahawi

Inihambing ni Jesus ang kanyang kaharian sa buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihasik sa lupa ngunit tumataas ito at lumalaki na higit pa sa lahat!


“Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, ito’y naging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito.” Marcos 4:31-32

Pagtatabas

Naniniwala at nararamdaman ko ba na may buto ng kaharian ng Diyos sa aking kalooban? Ano ang dulot nito sa akin?


Pagsasaayos

Lahat tayo ay may buto ng kaharian ng Diyos sa ating mga kalooban. Hinahamon tayo ni Hesus na pagyamanin, patubuin at pagyabungin ito. Hindi natin lubos na maiintindihan kung paano ito lalago sa ating mga kalooban ngunit mararamdaman ito ng mga kasama natin, sa ating tahanan, paaralan at pamayanan. 


Sa maliliit na hakbang at mabuting gawa ay maipamamalas natin ang pagyabong ng kaharian ng Diyos sa lahat: … sa pagdarasal sa ikabubuti ng kalagayan ng mga may problema… sa pagbisita sa maysakit… sa simpleng pagngiti… o sa pagpapahiram ng ating mga laruan at pagsisimba - lahat ito ay katangian ng pagpapayabong ng kaharian ng Diyos sa ating kalooban. 


Pagdiriwang

Ano ang ginagawa ko upang umusbong ang butil na itinanim ni Hesus sa aking puso? Ano ang naidudulot nito sa aking pamilya, kaibigan at pamayanan?


🙏 Manalangin tayo…

+  Panginoong Hesus, patatagin Mo kami nang patuloy naming maihasik ang mga butil ng pananampalataya at kabutihan bilang paglilingkod namin sa Iyo at sa aming kapwa. Amen. +


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇 


Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________



72 views0 comments

Recent Posts

See All

ความคิดเห็น


bottom of page