Apr 14 |Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
📖 Pagbasa: Lucas 24:35-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Samantalang pinag-uusapan ng mga alagad ni Hesus kung paanong nakilala si Hesus sa paghahati-hati ng tinapay, si Hesus ay tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya sa kanila. Ngunit nagulat sila at natakot sapagkat akala nila’y multo ang nasa harapan nila. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito. Hipuin ninyo ako at pagmasdan. Ang multo’y walang laman at buto, ngunit ako’y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” At pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Nang hindi pa rin sila makapaniwala dahil sa malaking galak at pagkamangha, tinanong sila ni Hesus “May makakain ba riyan?” Siya’y binigyan nila ng kaputol na isdang inihaw; kinuha niya ito at kinain sa harapan nila.
Pagkatapos sinabi sa mga alagad, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasama-sama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga aklat ng mga propeta at sa aklat ng mga Awit.” At binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Pagmamasid
Sabay-sabay ba kayong kumakain ng iyong mga kaanak o pamilya? Anong ginagawa ninyo habang kumakain? Hindi ba nagkukuwentuhan, kinakamusta ang bawat isa at napag-uusapan ang iba’t ibang mga bagay tungkol sa kani-kanilang mga buhay. Marahil hindi natin nanaisin na sumalo sa hapag kung ang kaaway o taong may kasalanan sa atin ang makakasama natin sa pagkain. Sa ating kultura at sa maraming kultura sa mundo, kapayapaan at pagkakabuklod-buklod ang hatid ng sama-samang pagsasalo. Kaya naman sa Ebanghelyo ngayon, sa gitna ng halu-halong emosyon ng pagkagulat, takot galak at ay minarapat ni Hesus na sumalo sa kanilang kumain bago Siya nagpatuloy sa pagpapaliwanag sa mga kaganapan.
Paghahawi
Dumating muli sa Hesus habang ang mga alagad ay nagkakatipon-tipon. Nagulat sila! Binati sila ni Hesus ng kapayapaan. Muli niyang ipinaliwanag ang mga nangyari sa Kanya at kung bakit kinailangan mangyari ang mga bagay na iyon para sa kaligtasan ng sanlibutan.
“Nang hindi pa rin sila makapaniwala dahil sa malaking galak at pagkamangha, tinanong sila ni Hesus, “May makakain ba riyan?” Lucas 24:35-41
Pagtatabas
Ano ang kahalagahan ng pagbati ni Hesus ng “kapayapaan” at pagsalo ni Hesus sa pagkain ng mga alagad? Bakit mahalaga ang sandaling pagtigil sa gitna ng mga emosyon?
Pagsasaayos
Nang magpakita si Hesus sa kanyang mga alagad, tinanong Niya kung may makakain sila, hindi dahil nagugutom siya, kundi dahil nais niyang mapalagay ang kalooban ng mga alagad. Noong panahong iyon, sila ay naguguluhan, hindi nila alam ang kanilang gagawin dahil sa nasaksihan nilang pagkamatay ni Hesus. Ang iba pa nga sa kanila, katulad ni Pedro, ay itinatuwa pa nga si Hesus!
Sa normal na pagkakataon, siguro tayo ay kakaripas ng takbo sa takot kung ang namayapa mong kaibigan o kapamilya ay biglang lumitaw sa iyong harapan. Paraan ni Hesus upang kalmahin ang kalooban ng Kanyang mga alagad sa pagsalo sa kanila sa hapag.
Tayo rin ay maaring maghatid ng kapayapaan at pagkakaisa sa ating mga kasama. Maaaring may kagalit tayo na kaibigan o kaya miyembro na mismo ng ating pamilya. Mahalaga na bumaba ang emosyon at isantabi ang galit upang malinaw na makapag-usap at paliwanagan. Maaring tulay sa pagkaka-ayos ang pag-aalay ng pagkain! Sa ating taus-pusong pangungumusta sa ating kapwa ay magiging tulad din tayo ni Hesus para sa kanila.
Pagdiriwang
Kumumusta ng isang kaibigan, o kapit-bahay na matagal mo nang hindi nakakausap.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments