Gabay para sa Katekesis
Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan
Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 14:25-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sumama kay Hesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos siya’y kukutyain ng lahat ng makakakita nito. Sasabihin nila: ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos.’ O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”
A. Pagmamasid
Hinahamon tayo ng Ebanghelyo ngayon na tumulad sa pagpapahalaga ni Kristo sa kapwa kahit na mangailangan ito ng sakripisyo at pagtalikod sa mga pinahahalagahan natin.
Inaasahan tayong magmahal ngdalisay, di makasarili, lubos na naghahangad ng tunay na kabutihan ng kapwa, at walang sinumang itinatakwil.
B. Paghahawi
“Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.” Lucas 14:27
Pag-ugnay sa Ebanghelyo
Di madaling magmahal nang ganito. Kaya nga, ang magmahal na tulad ni Jesus ay nangangailangan ng moral na lakas at mahabang pagsasanay. Ito lamang ang tanging paraan ng pagiging tunay na alagad ng Panginoon, at sa gayong tanging pagmamahal lamang natin mapalalago ang Kaharian ng Diyos at matatamasa ang kaligayahang walang maliw.
C. Pagtatabas
Bakit gusto mong maging tunay na alagad ni Jesus?
Sa palagay mo, ano ang kulang sa iyong sarili upang maging tunay na Kristiyano?
D. Pagsasaayos
Ano po ba meron sa Krus? At bakit parang ito po yata ang isa sa mga kinakailangan o “requirement” para tayo ay maging totoo na alagad ng Panginoong Jesus? At kasama din ito sa mga kailangan nating gawin kung nais natin sumunod sa Kanya “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ano ang ibig sabihin ng Panginoong Jesus sa mga Salita ito?
Hindi po ito nangangahulugan ng pagtalikod sa ating pamilya at pabayaan nating ang ating sarili. Sa halip ginamit ng Panginoong Jesus ang larawang ito upang ituro ang napakahalagang utos o aral na ang Diyos ay Siyang Bukal ng Buhay at Pagmamahal. Na ang Diyos ang totoo makapagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan. At ang Diyos, ang dapat nating inuuna sapagkat nasa Kanya ang Buhay na walang hanggan, kapayapaan, kaligayahan na hindi kayang ibigay ng sanlibutan. Kaya tama po ang sinabi ng isang maunulat “When we put God first, all other things fall into their proper place.” At hindi lang Krus ang tinatanggap natin kundi ang Panginoong Jesus na nakabayubay sa Krus.
E. Pagdiriwang
Ama, tulungan Mo po kami, sa patnubay ng Espiritu Santo, na matutong magpasan ng aming mga krus upang sumunod kay Kristo na tinalikuran, maging ang Kanyang sarili, upang sundin ang Inyong kalooban. Mapang-hawakan po sana namin ang aming paninindigan at pananampalatayang kalakip ng aming desisyong sumunod sa Kanyang mga yapak. Amen. +
Sources:
Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Awit at Papuri Website
Exploring God’s Word, Word and Life Publications
Comments