🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan
Ikalawang Linggo ng Adbiyento 🕯 Tinawag para sa Mabungang Pagbabago
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 3:1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahaong iyon, si Juan Bautista’y dumating sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Sinabi niya, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos!” Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nito,
“Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!”
Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan, at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai’y balang at pulot-pukyutan. At pumunta sa kanya ang mga taga-Jerusalem, taga-Judea, at mga naninirahan sa magkabilang panig ng Jordan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan, at sila’y bininyagan ni Juan sa Ilog Jordan.
Ngunit nang makita niyang marami sa mga Pariseo at mga Saduseo ang lumalapit upang pabinyag, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa parusang darating? Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo’y nagsisisi. At huwag ninyong ipangahas na kayo’y anak ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makalilikha ng mga tunay na anak ni Abraham mula sa mga batong ito. Ngayon pa’y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punungkahoy; ang bawat punungkahoy na hindi mabuti ang bunga ay puputulin at ihahagis sa apoy. Binibinyagan ko kayo sa tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo’t pagtalikod sa inyong mga kasalanan; ngunit ang dumarating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa akin, hindi ako karapat-dapat kahit tagadala ng kanyang panyapak. Hawak niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo, ngunit ang ipa’y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Nagkaroon ba ng pagkakataon kung kailan may nagawa tayong mali na tayo ay napagalitan ng nakatatanda sa atin tulad ng magulang o ng guro? Kung inaamin natin sa ating sarili na tayo'y nagkamali, hindi ba't sinasabi natin na nangangako tayong hindi na natin uulitin ang nagawa nating kasalanan? Kung sa susunod na pagkakataon ay maulit muli ang mali, totoo bang pagsisisi ang ating nagawa? Sa ikalawang linggo ng Adbiyento, inaanyayahan tayo ng kuwento ni San Juan Bautista na maging taos puso at manindigan para sa pagbabalik-loob sa Panginoon.
B. Paghahawi
“Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan." Mateo 24:44
Pag-ugnay sa Ebanghelyo
Nangangaral si San Juan na tayo'y dapat maging handa dahil paparating na ang Panginoon. Tulad ng pagbasa noong nakaraang linggo, hindi natin nalalaman kung kailan muling dadating ang Panginoon kaya't dapat lagi tayong handa na humarap sa Kanya. Hindi magandang pangitain ang inihayag ni San Juan sa mga punongkahoy na hindi namumunga ng kabutihan, sila ay puputulin ay ihahagis sa apoy.
C. Pagtatabas
Naisasalarawan mo ba sa iyong isipan ang hitsura ni San Juan Bautista? Bakit siya tinawag na Bautista? Bakit tila nagagalit siya sa mga Saduseo at Pariseo? Tayo ba ay tulad nila na nagapabasbas ngunit patuloy sa paggawa ng kasalanan?
D. Pagsasaayos
Tinatawag tayo ng Ebanghelyo ngayong linggo na magbago dahil parating na ang Panginoon. Karaniwan natin itong naririnig tuwing Kuwaresma o Mahal na Araw - ang pagbabago ng sarili pero hindi tuwing mag-Papasko dahil mas busy tayo sa mas nakakatuwang mga bagay tulad ng pagpapalamuti at paghahanda sa mga regalo at party.
Sinasabi ni San Juan na ang pagbibinyag niya ay gamit ang tubig bilang tanda ng pagsisisi. Sa ating pagbabalik-loob sa Kanya, ang unang hakbang ay sa pamamagitan ng sakramento ng kumpisal. Ngunit hindi dito natatapos ang pagsisisi dahil dapat ay may paninindigan tayo na iwaksi ang kasalanan. Nangangako tayo sa ating sarili at sa Diyos na tuluyan nating tatalikuran ang mali at gagawa ng kabutihan ayon sa turo Niya.
Muli, tila nakakatakot ang pangitain na sa muling pagdating ni Hesus ay dala Niya ang Espiritu Santo at apoy pero ang katotohanan, wala tayong dapat ipangamba kung tayo ay handa para sa Kanya. Hindi ba't kapag tinawag natin ang Espiritu para tulungan tayong maging malakas ay dumadating Siya? Sa paggawa natin nga kabutihan sa araw-araw ay mananatili tayong handa anong oras man Siya dumating.
E. Pagdiriwang
Ano ang dating ng paanyaya ni San Juan para sayo? Makatuturan ba o hindi? Bakit? Paano ko maihahanda at maitutuwid ang daraanan ng Panginoon sa panahon ng Adbiyento?
Sources:
Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Awit at Papuri Website
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Comments