🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan
Ika-apat na Linggo ng Adbiyento 🕯 Si Jose ang Mapagkumbaba at Matapat ng Katuwang ng Diyos
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 1:18-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Naniniwala ka ba na may plano ang Diyos sa atin? Paano kung hindi ito naaayon sa gusto natin sa buhay? Halimbawa na lang, gusto nating makipaglaro sa ating kaibigan pero bigla na lang gusto ng ating ina na samahan sa kanyang lakad? Ano ang iyong mararamdaman? Susunod ka ba sa gusto ng nakatatanda o gagawin mo lang ang iyong nais gawin?
B. Paghahawi
“Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y panganganlan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” Mateo 1:20-21
Pag-ugnay sa Ebanghelyo
Maraming bagay sa mundo ang mahirap maintindihan lalung-lalo na kung ito ay salungat sa ating kagustuhan. Sa Ebanghelyo, nakatakda nang ikasal si Jose kay Maria ngunit nalaman niya na siya’y nagdadalang tao na. Kahit nais nang hiwalayan ni Jose si Maria ay tumugon siya sa tawag ng Panginoon sa pamamagitan ng anghel sa panaginip. Sa malugod na pagsunod ni Jose sa plano ng Panginoon ay naisakatuparan ang pagliligtas sa sangkatauhan.
C. Pagtatabas
Bakit gustong hiwalayan ni Jose si Maria? Paano nagbago ang kanyang isip? Anu-ano ang mga bilin ng pangitain sa kanyang panaginip?
Nangyari na ba sa iyo ang ganitong kaganapan? Nagkaroon na ba ng pagkakataon sa iyong buhay kung saan may gusto kang gawin ngunit tila iba ang plano sa iyo ng Diyos? Ano ang iyong naging tugon? Ano ang nagawang kabutihan niyo sa iyong buhay?
D. Pagsasaayos
Kahanga-hanga si Jose dahil sa kanyang pagsunod sa mga plano ng Panginoon. Dahil sa kanyang pagiging masunurin ay naging katuwang siya ng Panginoon sa mga plano Niya sa mundo.
Maraming plano ang Panginoon para sa ating buhay, minsan salungat ito sa mga gusto nating maganap o landas na tahakin kaya’t nagiging mahirap sa ating sumunod. Oo, hindi tayo susuko na makamit ang mga gusto natin sa ating buhay ngunit kung ito ay naka-ayon, kahit anong hirap ay ating malalampasan at aayusin ng Panginoon ang daan para sa atin.
Mahalaga na pakinggan natin ang Kanyang mensahe sa atin! Kailangan nating magdasal at makinig sa Kanya. Hindi ibig sabihin na tayo ay susunod ay magiging madali at matagumpay tayo sa buhay. Maaari pa ring puno ng sakit at pasakit ang ating landas na dadaanan at maitatanong, “ito po ba talaga ang plano Ninyo sa akin?” Manatili tayong matatag dahil maaaring sinasanay lamang tayo, tulad ng pinagdaanan ni Hesus na hirap, upang makamit ang kaginhawaan.
Tinatawag tayo na maging katuwang ng Diyos sa kanyang mga plano tulad ni Jose at Maria upang maging daluyan ng grasya para sa iba.
E. Pagdiriwang
Pinahihintulutan ko bang manahan ang Diyos sa aking at ako ay patnubayan? Kailan ako huling nakinig sa Kanya?
Sources:
Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Awit at Papuri Website
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Comments