🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan
Ikatlong Linggo ng Adbiyento 🕯 Darating ang Panginoon upang tayo’y Panibaguhin
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 11:2-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon: Nabalitaan ni Juan Bautista, na noo’y nasa bilangguan, ang mga ginagawa ni Kristo. Kaya’t nagsugo si Juan ng kanyang mga alagad at ipinatanong sa kanya, “Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Hesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang inyong narinig at nakita: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
Pag-alis ng mga alagad ni Juan, nagsalita si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Bakit kayo lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isa bang tambo na inuugoy ng hangin? Ano nga ang ibig ninyong makita? Isang taong may maringal na kasuutan? Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, higit pa sa propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan: ‘Narito ang sugo ko na aking ipinadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, wala pang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos at dakila kaysa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Magalak at malapit na ang Pasko!!! Ngayon ay ikatlong linggo ng Adbiyento, ang sisindihan natin sa korona ng Adbiyento ay ang kulay rosas na kandila. Excited ka na ba sa pagsapit ng araw ng pagsilang ng Panginoon o may hinihintay ka pang iba? Naniniwala ka ba sa himalang pagbabago na hatid ng Panginoon sa ating buhay? Minsan dahil sa tingin natin ay hindi dinidinig ng Panginoon ang ating mga panalangin at hiling ay hindi Niya tayo mahal o nauunawan. Tayo ay nagtatampo. Paano mo mapapanumbalik ang sigla ng iyong pananampalataya kung ganon man ang ang iyong situwasyon?
B. Paghahawi
“Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Hesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang inyong narinig at nakita… Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!” Mateo 11:3-4, 6
Pag-ugnay sa Ebanghelyo
Maraming propesiya ang nakasulat sa bibliya at sa dami nito, mahirap itong pagtugma-tugmain. Minsan nasa tao rin ito na tumatanggap, paano ba nila naiintindihan ang propesiya at paano ito naiuugnay sa kanilang buhay? Sa Ebnaghelyo ngayong linggo, tila sinisiguro ni San Juan Bautista na ang Panginoong Hesus na nga ang sinasabi ng mga propesiya bilang Tigapagligtas ng lahat, ngunit parang siya ay nalilito dahil hindi si Hesus ang kanyang inaasahan sa ganitong tungkulin.
C. Pagtatabas
Kung aalalahanin natin ang Ebanghelyo noong isang linggo, ipinapangaral niya na ang Tagapagligtas ay dadating na may nakaambang palakol upang putulin ang mga punongklahoy na hindi mabuti ang bunga at ihahagis sa apoy. Kaya marahil nag-aalinlangan si San Juan Bautista dahil si Hesus ay gumagawa ng mga himala sa halip na humuhusga at naggagawad ng katarungan.
D. Pagsasaayos
Ano ang pagkakakilanlan mo sa Panginoon bilang personal mong Tagapagligtas? Siya ba ay nagdudulot ng himala sa iyong buhay at sa iyong pamilya? O isa ba Siyang tagapagtanggol tulad ng mga bayani na nababasa o napapanood natin sa tv?
Hindi dumating si Hesus bilang hari sa isang palasyo bagkus ipinanganak sa sabsaban na tinutugis ng kalaban. Wala rin siyang itak o tabak upang patayin ang mga kalaban. Si Hesus ay naparito upang magturo, at gabayan tayo upang tayo ay makasama Niya sa buhay na walang hanggan.
Minsan, may mga hinihiling tayo sa Panginoon na tila hindi ibinibigay. Napapagod ba tayo sa kakadasal? Nawawalan ng gana o nagtatampo sa Kanya? Paano kung ang sagot na ating natanggap ay taliwas sa ating inaasahan?
Sikapin nating pagnilayan ang mga nagaganap sa ating buhay. Paano ba tinutugunan ng Panginoon ang ating mga pangangailangan. Baka nariyan na ang sagot sa ating kahilingan ngunit ayaw nating tanggapin o pakinggan.
E. Pagdiriwang
Sa pagsindi natin sa kulay rosas na kandila, isipin natin ang mga bagay na nakapagdudulot sa atin ng kagalakan. Paano mo ito maipapasa sa iba?
Sources:
Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Awit at Papuri Website
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Comments