top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Setyembre 25, 2022 | Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Pag-ibig kay Kristo sa Nangangailangan



Gabay para sa Katekesis

Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan


Setyembre 25, 2022 | Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Pag-ibig kay Kristo sa Katauhan ng mga Nangangailangan at Napapabayaan


Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 16:19-31


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman, at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa Hades, tumingala ang mayaman at kanyang natanaw sa malayo si Abraham, kapiling ni Lazaro. At sumigaw siya, ‘Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro’y nagtiis ng kahirapan. Ngunit ngayo’y inaaliw siya rito, samantalang ikaw nama’y nagdurusa. Higit sa lahat, inilagay sa pagitan natin ang isang malaking bangin upang ang mga narinig ay hindi makapariyan at ang mga nariyan ay hindi makaparini.’ At sinabi ng mayaman, ‘Kung gayun po, Amang Abraham, ipinamamanhik ko sa inyong papuntahin si Lazaro sa bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki. Paparoonin nga ninyo siya upang balaan sila at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; pakinggan nila ang mga iyon.’ ‘Hindi po sapat ang mga iyon,’ tugon niya, ‘ngunit kung pumunta sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, tatalikdan nila ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid


Walang nakatakdang pumunta sa impyerno, at wala rin namang iginagawi papunta sa langit. Nasa ating desisyon ang tutunguhan natin sa kabilang buhay. Ngunit hindi sapat na sabihing “wala naman akong ginagawang masama ah!” Ang tanong, ano ang ginawa mong kabutihan? Tumugon ba tayo sa ating kapwang nagugutom, naghihikahos at nangangailangan? O panatag na tayo sa ating pansariling buhay?


B. Paghahawi


“Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro’y nagtiis ng kahirapan. Ngunit ngayo’y inaaliw siya rito, samantalang ikaw nama’y nagdurusa. ” Lucas 16:25


Pag-ugnay sa Ebanghelyo


Sa talinghaga ngayong sa Ebanghelyo, inilalarawan ang huling hatol o final judgment. Binibigyang diin ni Hesus ang kasalanan na dulot ng pagsasawalang-bahala at pagiging bulag sa pangangailangan ng kapwa.


C. Pagtatabas


Ano ang nagawa ko upang makatulong sa mga taong walang trabaho, may sakit at sa mga matatandang hirap na sa buhay?


D. Pagsasaayos


  1. Napunta ang mayamang lalaki sa impyerno hindi dahil sa mayaman siya kundi dahil ginamit niya lamang ito sa kanyang sarili at isinantabi ang pangangailangan ng mga taong tulad ni Lazaro na naghihirap.

  2. Ang paggawa ng kabutihan ay itinuturo na sa atin, bata pa lang tayo. Sa simpleng pagbabahagi ng ano mang mayroon tayo sa taong higit na nangangailangan ay landas na tungo sa paraiso sa kabilang buhay

  3. Sa punto ng pagwawakas ng ating buhay sa mundo, wala na tayong pagkakataong magsisi o magbago ng landas. Hihikayat tayo ni Hesus na gamitin ang ating mga kakayanan upang gumawa ng kabutihan habang tayo ay nabubuhay pa.


E. Pagdiriwang


Ama sa Langit, buksan po ninyo ang aming mata sa mga pangangailangan ng aming kapwa, na ibahagi ang mga grasyang ipinagkakaloob po ninyo sa amin upang sila’y mabigyan ng konting ginhawa sa kanilang pinagdadaanan. Amen.


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Awit at Papuri Website

Exploring God’s Word, Word and Life Publications



10 views0 comments

Comments


bottom of page