Gabay para sa Katekesis
Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan
Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 15:1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. Nagbubulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila, “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito.
“Kung ang sinuman sa inyo ay may sandaang tupa, at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan, hindi ba? Kapag nasumpungan na’y masaya niyang papasanin ito. Pagdating ng bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang tupa kong nawawala!’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi’t tumatalikod sa kanyang kasalanan kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na hindi nangangailangang magsisi.
“O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Sisindihan niya ang ilaw, wawalisan ang bahay at hahanaping mabuti hanggang sa masumpungan ito, hindi ba? Kapag nasumpungan na ito ay aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang nawala kong salaping pilak!’ Sinasabi ko sa inyo, gayon din ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisi’t tumalikod sa kanyang kasalanan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Nararamdaman mo ba na mahal ka ng Diyos? Gaano nga ba tayo kahalaga sa Kanya?
B. Paghahawi
“Sinasabi ko sa inyo, gayon din ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisi’t tumalikod sa kanyang kasalanan.” Lucas 15:10
Pag-ugnay sa Ebanghelyo Sinabi ni Jesus "Matuwa kayong lahat sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa" kaya naman magkaroon din ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi at tumalikod sa kasalanan kaysa siyamnaput siyam na matuvid na di nangangailangan ng pagsisisi.
C. Pagtatabas
Iniingatan ba nating mabuti ang ating mga sarili at ayon ba sa gusto ng Diyos ang ating mga hangarin!
D. Pagsasaayos
Ang nais ng Dyos ay magmahalan tayo pahalagahan ang bawat isa. Kapag may mga kaibigan o kapamilya na naliligaw ng landas huwag natin silang layuan, bagkus akayin sila tungo sa kaliwanagan.
E. Pagdiriwang
Panginoon, pagkalooban mo kami ng grasya ng pagmamalasakit sa bawat kaluluwa. Nawa maging daan kami upang makilala nila ang iyong kadakilaan.
Sources:
Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Awit at Papuri Website
Exploring God’s Word, Word and Life Publications
Comments