Mar 10 | Ika-4 Linggo ng Kuwaresma
📖 Pagbasa: Juan 3:4-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong mga araw na iyon: sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayun, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Pagmamasid
Nakapanood ka na ba ng video clips mula sa CCTV footage ng mga taong nanloob sa bahay? Kailan karaniwang nagaganap ang pagpasok ng mga magnanakaw? Hindi ba sa gabi? Bakit karaniwang sa gabi sila nagnanakaw? Siyempre kung sa kalagitnaan sila ng araw ay maaaring may mga makakita sa kanilang panloloob, kaya pinipili nila sa gitna ng tulog ng karamihan at magtago sa likod ng kadiliman upang maisakatuparan nila ang kanilang masamang gawain. Anong gagawin nila kung may biglang magliwanag na ilaw sa kapaligiran nila? Hindi ba sila’y matatakot at kakaripas ng takbo palayo?
Paghahawi
Sa ganap na pagmamahal ng Diyos sa ating lahat ay ipinadala Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo’y mailigtas sa kasalanan at kamatayan. Si Kristo ang liwanag ng sanlibutan kaya’t ang lalapit sa Kanya ay ang mga taong nais din maliwanagan at hindi magkubli sa kadiliman ng kasalanan.
“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.” Juan 3:16
Pagtatabas
Paano natin sinusuklian ang pagmamahal sa atin ng Diyos?
Pagsasaayos
Napukaw ni Hesus ang atensyon at paniniwala ng napakaraming tao. Hindi na lamang ito sa Kanyang angking kapangyarihan na magpagaling ng mga maysakit kundi na rin sa Kanyang mga aral. Bagama’t maraming mga pariseo, guro at pantas ang nagulat sa Kanyang ginawa sa templo ay marami din ang naiintindihan ito. Isa na dito si Nicodemo na nakipag-usap kay Hesus ng palihim upang mas maliwanagan sa dala Niyang Aral sa sangkatauhan.
Dalawa ang mensahe ng Ebanghelyo ngayon:
si Hesus ang Tagapagligtas, ang sino mang manalig sa Kanya ay maliligtas. Una tayong minahal ng Diyos. Gayon na lang ang Kanyang pagmamahal na ipinadala Niya ang Kanyang Anak upang tayo’y maligtas.
Hinahamon tayo na maniwala at manalig sa Kanya upang anumang karamdaman na ating nararanasan ay maibsan. Sa Kanya lang tayo makakatagpo ng kaginhawaan dahil dinanas na Niya ang pinakamasaklap na paghihirap para sa ating lahat.
Dala ni Hesus ang liwanag para sa ating lahat. Ang mga taong tatanggi sa liwanag na ito ay nais lamang na magkubli sa kadiliman ng kasalanan. Ang iba natatakot sa liwanag na ito dahil na rin siguro sa kanilang personal na kahinaan o nararamdang kahihiyan sa mga nagawang kasalanan.
Hinihimok tayo ni Hesus na pagsisihan natin ang ating kasalanan upang makita natin ang liwanag na dulot Niya sa ating buhay.
Pagdiriwang
Ano ang mas pinipili ko, liwanag o kadiliman? Ano ang ibig sabihin nito sa para sa kalusugang espirituwal?
Kailan ako huling nakapagkumpisal ng aking mga kasalanan?
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments