top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Paggunita sa Pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria

Feast Day: Aug 22


Kasunod ng pag-akyat kay Inang Maria sa Langit ay ang pagkorona sa kanya bilang reyna ng langit o Regina Caeli. Ito ay alinsunod sa paghahari ng Anak ng Diyos na si Hesus.


Itinalaga ni Pope Pius XII ang kapistahang ito bilang pagkilala kay Maria na pinakamakapangyarihang tagapaghatid ng ating kahilingan kay Hesus.


Salamat po sa inyong pagkalinga sa amin. Sana po ay maging tulad ninyo kami sa pagsunod at pagtalima sa utos ng Diyos. O Reyna ng Langit, ipanalangin n'yo po kami. Amen


Ikaw, ano ang panalangin mo na nais ipahatid ni Ina, Reyna ng Langit, sa kay Hesus?


📖 Pagbasa mula San Lucas | Lk 1:26-38

Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elizabeth, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang bayan sa Galilea, upang kausapin ang isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni David. Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”


Naguluhan si Maria sa sinabi ng anghel at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pagbati. Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay walang katapusan.”


“Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria.


Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. Hindi ba't ang kamag-anak mong si Elizabeth ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”


Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.


🙏 Dasalin natin ang Regina Caeli o Reyna ng Langit


V. O Reyna ng Langit, magalak ka. Aleluya!

R. Sapagkat ang minarapat mong dalhin sa iyong sinapupunan. Aleluya!


V. Ay nabuhay na mag-uli na gaya ng kanyang sinabi. Aleluya!

R. Ipanalangin mo kami sa Diyos, Aleluya.


V. Matuwa ka at magalak, O Birheng Maria, Aleluya!

R. Sapagkat tunay na muling nabuhay ang Panginoon. Aleluya!


Manalangin Tayo:

Ama naming makapangyarihan, niloob mong lumigaya ang buong mundo sa pagkabuhay ng iyong Anak na Panginoon naming Hesukristo. Alang-alang kay Mariang Birheng Ina ng Diyos, ipagkaloob mong makamtan namin ang galak ng buhay na ‘di matatapos.

Iniluluhog namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.


Luwalhati sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo. Kapara noong unang una, ngayon, at magpakailanman, at magpasawalang hanggan. Amen. 🌹🌺🌼💐


61 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page