Araw ng Kapistahan: Jul 3
Patron ng mga arkitekto
Naniniwala ka ba na isa sa mga apostol, ang mga pinakamalalapit na tagasunod ni Hesus, ang nagduda na ang Panginoon ay muling nabuhay? Meron! Si Santo Tomas!
Noong unang nagpakita si Hesus matapos ang Kanyang muling pagkabuhay ay wala si Tomas sa loob ng kuwartong tinutuluyan nila. Nang ikuwento ng mga Apostol sinabi niya, “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.”
Kaya’t makalipas ang walong araw at muling magpakita si Hesus sa kanila ay agad na ipinakita ni Hesus ang Kanyang mga kamay at pinahipo ang kanyang tagiliran. Sinabi ni Hesus, “Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.”
Hiyang hiya si Tomas sa Panginoon.
Hinding hindi na pinagdudahan ni Tomas ang Panginoon at ibinuhos niya ang kanyang buhay na mangaral at tulungan ang mga taong maniwala kay Hesus kahit hindi naman nila Siya nakita.
“Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.” Juan 20:29
🙏 Manalangin tayo...
O pinagpalang Santo Tomas, ang iyong paghihinagpis sa pagkawala ni Hesus ay nagdulot ng pagdududa sa muli Niyang pagkabuhay. Ngunit ang pagmamahal mo Kanya ay higit pa sa iyong pagdududa kaya ninais mong ialay ang iyong buhay para sa Kanya sa pagpapahayag mo ng Mabuting Balita.
Tulungan mo kaming maging misyonero tulad mo. Bigyan mo kami ng tiwala at kaliwanagan sa gitna ng aming mga pagduda sanhi ng masasakit na karanasan. Umaasa kami sa iyong panalangin at pamamagitan. (Banggitin ang kahilingan)
O Santo Tomas, ipanalangin mo kami.
Source:
Comments