Kapistahan: Mayo 22
Patron ng imposible, biktima ng pang-aabuso, kalungkutan, problema sa asawa, biyuda, sakit, babaeng bigo at sawi sa pag-ibig
Ipinanganak noong 1381 si Rita sa isang probinsiya ng Italya. Matagal na hinihintay ng kanyang mga magulang na magkaroon ng anak kaya’t malaking pasasalamat nila sa Panginoon ang pagdating ni Rita sa kanilang buhay!
Bata pa lamang si Rita ay mahilig na siyang bumisita sa mga Augustinian nuns. Gusto niyang maging tulad nila balang araw. Taliwas ito sa plano ng kanilang magulang dahil gusto nila na ipagkasundo si Rita sa pagpapakasal.
Isinantabi ni Rita ang kanyang pangarap na maging madre at nung siya’y 12 yrs old pa lamang ay ikinasal na siya. Nagkaroon sila ng 2 anak. Hindi maganda ang naging trato sa kanya ng kanyang asawa ngunit sa kabila nito ay nanatiling malapit sa Panginoon.
Maagang namatay ang kanyang asawa dahil sa nag-aaway na paksyon sa politika sa kanilang lugar. Ang kanyang 2 anak ay namatay din, di kalaunan, dahil sa kumalat na sakit sa kanilang lugar.
Mag-isa na lamang siya sa buhay kaya’t nanumbalik ang kanyang pagnanasa na maging madre.
Noong una ay hindi siya nais papasukin ng mga Augustinians sa kanilang orden dahil siya’y ikinasal na ngunit dahil sa masugid na pagdarasal ay tinanggap na rin kalaunan. Siya’y 36 yrs old nang maging madre.
Lilipas ang mga 20 taon, habang siya’y nagdadasal, may maliit na sugat ang lumabas sa kanyang noo. Mukha itong sugat mula sa koronang tinik ni Hesus! Hindi na ito gumaling at natanggal. Ito ay nanatiling alaala ng sakripisyo ni Hesus sa sanlibutan.
Sinasabi na ilang buwan bago siya mamatay ay nakaratay na lamang si Rita sa kanyang higaan. May bumisita sa kanyang kaibigay at nagtanong kung may gusto ba siya. Sinabi ni Rita na gusto niya ng rosas mula sa hardin ng kanilang tahanan kung saan siya lumaki. Taglamig noong panahong yoon at alam ng kaniyang kaibigan na hindi mamumulaklak ang rosas lalo na kung may nieve (snow).
Sa pag-uwi ng kanyang kaibigan ay laking gulat niya nang makita niyang may isang napakagandang rosas ang nakabukadkad sa kanilang hardin. Dali-dali niya itong pinitas at ibinigay kay rita sa kumbento!
Namatay si Rita noong 1457 at naging santo noong 1900. Si St. Rita ay patron ng imposible at halimbawa sa ating lahat na kung tayo ay magkakaroon ng malalim na pananampalataya at tiwala sa Panginoon ay susuklian tayo ng maraming gantimpala ng Diyos.
🙏 PANALANGIN KAY SANTA RITA NG CASCIA
† Sta. Rita, ibinigay ka ng Diyos sa amin bilang halimbawa ng wagas na pag-ibig at pagtitiyaga, at Kanyang pinahintulutan na makihati ka sa pagdurusa ng Kanyang anak, ang iyo nawang halimbawa ang magbigay sa akin ng lakas na pasanin ang aking krus araw-araw.
Sa iyong kagandahang-loob dinggin ang aking panalangin at iyong ipanalangin, O Patrona ng Imposible na ipagkaloob ng Diyos ang aking kahilingan ayon sa Kanyang kalooban (Banggitin ang kahilingan) Sa pamamagitan ni Jesukristo, kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.
STA. RITA DE CASCIA, ipanalangin mo kami!
Comments