Feast Day: April 29
Patron ng mga may sakit, mga kinukutya sa pananampalataya, nars, manunulat at mga nalaglagan ng bata
Ipinanganak si Catalina sa lungsod ng Siena sa bansang Italya noong ika-25 ng Marso, 1347.
Anim na taon pa lang si Catalina nang magsimulang magpakita sa kanya si Hesus, ang Inang Maria at mga santo sa simbahan ng mga Dominikano sa Siena. Sa mga tagpong ito, nabuo ang kanyang taimtim na relasyon sa Panginoon.
Ninais ng kanyang mga magulang na ipakasal si Catalina noong siya ay labindalawang taong gulang pa lamang. Pero siya ay tumanggi dahil inialay niya na kay Hesus ang kanyang sarili bilang birhen. Natagpuan ni Catalina ang ganap na kapayapaan sa pakikiisa niya sa pagpapakasakit ni Hesus. Tinanggap niya ang koronang tinik at ang limang sugat ni Hesus o ang Stigmata mula sa pagkakapako nito sa krus.
Sumapi si Catalina sa Ikatlong Orden ng mga Dominikano kung saan tumulong siya sa mga mahihirap, kumalinga sa mga may sakit at bumisita sa mga bilanggo. Bukod dito, si Catalina ay naging daan upang maibalik ang opisina ng Santo Papa sa Roma matapos ang 74 na taong pamamalagi nito sa Avignon.
Namatay si Catalina dahil sa sakit sa edad na 33. Ginawaran siya bilang Doktor ng Simbahang Katolika bagamat hindi siya marunong magbasa at magsulat. Mayroon siyang mahigit sa apat na raang mga liham na naitala sa pamamagitan ng pagdidikta ng mga ito.
🙏 PANALANGIN PARA KAY SANTA CATALINA NG SIENA
+ Mahal na Santa Catalina, wala kang hinangad sa iyong buhay kundi ang makapiling si Hesus at manatili sa Kanyang payapang yakap. Dahil dito, nabiyayaan ka ng natatanging grasya na makita at makausap Siya.
Ipanalangin mong maging ganap ang aking pagsunod at pagmamahal kay Hesus at tanggapin ko rin ang biyaya ng Kanyang walang hanggang awa lalo na para sa kahilingan ng aking puso (banggitin ang kahilingan).
Santa Catalina ng Siena, idulog mo kay Hesus ang aking panalangin at akayin mo ako patungo sa Kanyang piling. Amen. +
コメント