top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Pagbabagong-Anyo: Ang Panawagang Ipakita ang Ating Kagalingan

Updated: Feb 22, 2024

Feb 25 | Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Para sa Pasko ng Pagkabuhay 

📖 Pagbasa: Marcos 9:2-10


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Noong panahong iyon: Umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupa’t walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.


Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.




🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️


Pagmamasid

Nakakita ka na ba ng trailer ng pelikula? Ang trailer ay “pasilip” kung ano ang aabangan sa isang pelikula. Kapag maganda ang trailer, tayo ay nasasabik at na-e-excite para mapanood ang pelikula ipapalabas. Minsan pa nga ay inaaya na natin ang ating mga nanay at tatay o mga kaibigan na abangan ang palabas na iyon. Ganun din ang nangyari sa Ebanghelyo ngayong linggo, tila may “trailer” na ipinakita si Hesus para sa buhay na walang-hanggang naghihintay sa ating lahat sa kabila ng paghihirap at pagpapakabuti natin dito sa lupa. 


Paghahawi

Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap ng tatlong apostol, at kuminang nang puting-puti ang kanyang damit. Nakita nila sa tabi ni Hesus si Elias at Moises. At mula sa ulap may nagsalitang tinig - 


“Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Mateo 10:15

Pagtatabas

Ano ang ibig sabihin para sa akin ng pagbabagong anyo ni Hesus? Ano ang kahulugan nito para sa aking buhay espirituwal?


Pagsasaayos

Ipinapasilip sa atin ni Hesus ang buhay na naghihintay sa atin sa ating pagyao. Ito ay buhay kasama Niya at ng ating Ama sa langit kung saan walang hanggan ang kaligayahan at kaginhawaan. Na-eexcite ba tayo? Hinihikayat ba natin ang ating mga kaibigan at mahal sa buhay na sumama sa atin sa paglalakbay na ito?


Sa ating pagsunod sa mga turo at utos ni Hesus ay makakarating tayo sa langit ngunit hindi madali ang ating daang tatahakin. Maraming hirap ang atin daranasin. Tayo’y masasaktan at maaring kutyain kahit na ng mga mahal natin sa buhay. 


Huwag tayong mag-alala. Maging si Hesus ay dinaanan ang napakatinding pagpapahirap at kamatayan upang tulungan tayo. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa ating pagsusumikap na maging mabuti para sa Kanya. 


Pagdiriwang

Paano ako magsisimula maglakbay tungo sa buhay ng kabutihan? Ano ang maaari kong gawin ngayong linggo?


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇 




Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________

66 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page