top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Oktubre 9, 2022 | Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Kalugod-lugod na Pagpapasalamat sa Diyos


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan


Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 17:11-19


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon sa San Lucas


Noong panahong iyon, sa paglalakbay ni Hesus patungong Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, siya’y sinalubong ng sampung ketongin. Tumigil sila sa malayu-layo at humiyaw ng: “Hesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” Nang makita sila ay sinabi niya, “Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.” At samantalang sila’y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y Samaritano. “Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong ni Hesus. “Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid


Marunong ka bang magpasalamat? Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagpapasalamat? Isang simpleng kataga sa Filipino, "salamat" at dalawa sa Ingles, "Thank you". Pero hindi lahat ng tao ay marunong magbigay pasasalamat dahil ang taong tunay na mapagkumbaba lamang ang nakapagbibigay nito. Ito ay dahil sa iniisip ng iba na karapatan nila ang matulungan o mabigyan ng biyaya.


B. Paghahawi


“Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong ni Hesus. “Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Lucas 17:11-18


Pag-ugnay sa Ebanghelyo


Nakakalungkot na marami ang hindi marunong magpasalamat sa mga natatanggap nilang biyaya. Minsan nga kahit pa mag-thank you sila, hindi naman ito galing sa kanilang puso. Uhaw ang mga kaluluwa ng mga taong hindi marunong magpasalamat sa kapwa at sa Diyos. Marami man silang salapi ay salat naman sa saya ang kanilang kalooban.


C. Pagtatabas


Anu-anong mga biyaya ang natanggap ko mula sa Panginoon nitong mga nakaraang araw? Nakapagpasalamat ba ako o ano ang ginawa ko para maipakita sa Panginoon ang pagpapasalamat ko sa Kanya?


D. Pagsasaayos


Makikita natin sa Ebanghelyo ngayon ang agarang pagtugon ni Hesus sa pagsamo ng mga ketongin. Agad Niya silang pinagaling kaya't masasabi natin ang 3 aral na ito:

  1. Tunay na mahabagin ang Diyos sa mga nangangailangan at nasusumamo sa Kanyang tulong;

  2. Mahalaga sa Diyos ang pagpapasalamat. Sa sampung napagaling Niya ay isa lang ang bumalik! Ipinapakita nito ang kababaang-loob at pagbibigay pugay sa Kanya na nagbibigay ng lahat ng grasya;

  3. Mahalaga ang malalim na pananampalataya sa ating paggaling. Kung tayo ay naniniwala sa Kanyang kapangyarihan ay madali tayong gagaling, pisikal man o espirituwal man ang ating karamdaman.

E. Pagdiriwang


Pagnilayan ang mga sumusunod:

  1. Kanino ako lumalapit kung nakakaranas ako ng pananamlay sa aking buhay espirituwal (spiritual dryness)?

  2. Paano ako nagpapasalamat sa Panginoon para sa mga biyayang aking natanggap?

  3. Sumulat ng liham para sa siyam na ketongin na hindi bumalik upang magpasalamat kay Hesus. Ano ang sasabihin mo sa kanila?


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Awit at Papuri Website

Exploring God’s Word, Word and Life Publications


29 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page