🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan
Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 19:1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa Jerico, at naglakad sa kabayanan. Doo’y may isang mayamang puno ng mga publikano na nagngangalang Zaqueo. At pinagsikapan niyang makita si Hesus upang makilala kung sino ito. Ngunit siya’y napakapandak, at dahil sa dami ng tao, hindi niya makita si Hesus. Kaya’t patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Hesus na magdaraan doon. Pagdating ni Hesus sa dakong iyon, siya’y tumingala at sinabi sa kanya, “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.” Nagmamadali siyang bumaba, at tuwang-tuwang tinanggap si Hesus. Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” wika nila. Tumayo si Zaqeuo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako’y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kanya.” At sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
May kilala ka bang sikat na sikat sa inyong lugar na masamang tao? Yung palaging palaaway, o kaya alam mong magnanakaw o gumagamit ng masamang gamot! Naku! hindi ba parang nakakatakot na makasalamuha siya? Paano kung sa iyong pagsisimba sa linggo ay makita mo siya doon sa loob ng simbahan? Magugulat ka ba o maghihinala ka ba na may masama siyang hangarin doon? Ano ang mararamdaman mo? Naku! Tila mahirap isipin ang ganong situwasyon ano? Pagnilayan natin...
B. Paghahawi
“Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.” Lucas 19:10
Pag-ugnay sa Ebanghelyo
Sa pagnanais ni Zacqueo na makita si Hesus ay umakyat siya ng puno ng sikamoro. Hindi naging hadlang ang kanyang pisikal na kakulangan upang maisakatuparan ang nais niya. Hindi naman siya binigo ni Hesus, hindi lamang siya tumingin kay Zacqueo ngunit pinili pa Niyang manuluyan sa kanyang tahanan.
C. Pagtatabas
Paano binabago ng Diyos ang aking buhay? Ano ang mga naging karanasan ko na nagdulot ng pagsisi at pagbabalik sa Kanya?
Tulad ba tayo ni Zaqcueo na pilit nating hinahanap si Hesus para Siya'y makilala?
D. Pagsasaayos
Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang nilikha ngunit napakalalim at espesyal ang pagmamahal niya sa tao. Kahit na tayo ay nawawala sa landas ay hinahanap Niya tayo. Dumadating siya sa ating buhay kadalasan sa hindi inaasahang paraan... minsan sa panaginip, mga maliliit na kaganapan sa buhay natin o kaya sa mga taong ating nakakasalamuha. Minsan naman tinatawag Niya tayo sa nakagigimbal na paraan! Sa biglaang pagbabago sa ating buhay, mga karanasang di inaasahan o nakakagulat na kaganapan. Isa lang ang di maikakaila, kapag tayo'y tinawag, siguradong makikita at maririnig natin Siya.
Pantay-pantay ay pagtingin ng Panginoong Diyos sa ating lahat. Walang mas nakakaangat o mas maganda o mas magaling! Kung tutuusin, mas lumalapit pa nga ang Diyos sa mga taong mas nangangailangan ng tulong Niya!
Pinipili ng Diyos ang mga makasalanan dahil ang simbahan ay para sa kanila. Maraming talinghaga ang nagpapatunay nito tulad ng talinghaga ng alibughang anak (prodigal son), ang yaman ng perlas, ang nawawalang tupa. Ipinadala ng Panginoon si Hesus upang tayo ay maligtas!
Huwag nating gawing hadlang ang ating mga kahinaan o kapansanan upang hindi makalapit kay Hesus. Marami tayong maaaring gawing paraan upang makilala Siya! Gayahin natin si Zacqueo na kahit napakapandak na tao ay umakyat ng puno upang makita lamang si Hesus! Maaari itong gawin sa maliliit na paraan sa araw-araw. Sa simpleng pag-ngiti, sa at paggawa ng kabutihan at pagdarasal ay naipapakita na natin ang ating pagnanais na mapalalim ang ating pakikipag-ugnayan sa Kanya.
E. Pagdiriwang
Isa ka bang publikano tulad ni Zacqueo o sa iyong palagay ay tinawag na na ng Diyos ngunit may bahagyang pagbibingi-bingihan o pagbubulag-bulagan? Paano mo Siya patutuluyin sa iyong puso? Gumawa ng isang dasal gamit ang inspirasyon ng Ebanghelyo ngayong linggo.
Sources:
Exploring God’s Word, Word and Life Publications
Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Awit at Papuri Website
Comments