top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Oktubre 2, 2022 | Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Gabay ng Liwanag ng Pananampalataya



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan


Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 17: 5-10


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Noong panahong iyon, sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos.” Tumugon ang Panginoon, “Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, “Mabunot ka, at matanim sa dagat” at tatalima ito sa inyo.


“Ipalagay nating kayo’y may aliping nag-aararo, o nagpapastol kaya ng tupa. Pagkagaling niya sa bukid, sasabihin ba ninyo sa kanya, ‘Halika at nang makakain ka na’? Hindi.’ Sa halip ay ganito ang sinasabi ninyo: ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan; magbihis ka, at silbihan mo ako habang ako’y kumakain. Kumain ka pagkakain ko.’ Pinasasalamatan ba ang alipin dahil sa ginawa niya ang iniutos sa kanya? Gayun din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sasabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid


Napakahalaga ng pananampalataya dahil ito ang nagbibigay ng direksyon sa atin bilang mga Kristiyano. Pero ang pagkakaroon ng pananampalataya ay mas malalim pa sa pagsasabi na naniniwala tayo na may Diyos. Ang Pananampalataya ay pagpapaubaya sa lahat ng plano ng Diyos sa atin at sa ating buhay.


B. Paghahawi


“Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, “Mabunot ka, at matanim sa dagat” at tatalima ito sa inyo." Lucas 17: 6


Pag-ugnay sa Ebanghelyo


Malalim ang ugat ng pananampalataya sa ating pagkatao na nagbubunga ng kasaganahan sa ating buhay. Dahil sa pananampalataya ay nauunawaan natin na ang lahat ng bagay sa ating buhay at mundo ay kaloob at grasya ng Diyos. Dahil dito, nagiging malaya tayong magbigay at maglingkod sa kapwa. At ang lahat ng pagtulong natin ay ibinibigay na walang hinihintay na kapalit.


C. Pagtatabas


Ano ang aking papel o role sa plano ng pagliligtas ng Panginoon sa mundo? Paano ako makakatulong na maligtas ang aking kapwa, kilala ko man o hindi?


D. Pagsasaayos


Dalawa ang mensahe ng ating Ebanghelyo ngayong linggo,

  1. Pananampalataya; Sinasabi na kung malalim ang pananampalataya o faith natin ay maibabahagi natin ang kapangyarihan ng Panginoon sa iba.

  2. Ikalawa, pagpapakumbaba na naka-ugat sa pananampalataya. Galing ang lahat ng biyaya sa Panginoon kaya’t tungkulin natin bilang mga Kristiyano na maglingkod sa Kanya at sa kapwa na hindi nangihintay ng kapalit o kahit na pasasalamat. Hindi utang na loob ng Panginoon na tumulong tayo sa ating kapwa

  3. Kung buo ang ating pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos, maiintindihan natin na hindi lahat ng bagay na hinihingi natin sa Kanya ay mapapasa-atin. Minsan nagtatampo tayo kung hindi napagbibigyan pero may mas malalim na rason o dahil ang Panginoon dito. Baka may aral na dapat tayong matutuhan. Magnilay at magdasal na may bukas na puso at isip sa mga plano ng Panginoon sa ating buhay.


E. Pagdiriwang


+ O Panginoon, ikaw ay nariyan sa lahat ng panahon. Bigyan po Ninyo kami ng pananampalataya at tiwala na maintindihan ang lahat ng nangyayari sa aming buhay nang sa gayon ay buong puso kaming makapaglingkod sa Iyo at sa kapwa. Amen. +


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Awit at Papuri Website

Exploring God’s Word, Word and Life Publications

101 views0 comments

コメント


bottom of page