top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Oktubre 16, 2022 | Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Ang Kapangyarihan ng Panalangin


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan


Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 18:1-8


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Noong panahong iyon, isinaysay ni Hesus ang isang talinghaga upang ituro sa mga alagad na dapat silang manalanging lagi at huwag manghinawa. “Sa isang lungsod,” wika niya, “may isang hukom na hindi natatakot sa Diyos sa Diyos at walang taong iginagalang. Sa lungsod ding iyon ay may isang babaing balo na punta nang punta sa hukom at humihingi ng katarungan. Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng ilang panahon. Ngunit nang malaunan ay nasabi nito sa sarili: “Bagamat hindi ako natatakot sa Diyos ni gumagalang kaninuman, igagawad ko na ang katarungang hinihingi ng babaing ito sapagkat lagi niya akong ginagambala – baka pa ako mainis sa kapaparito niya.” At sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom. Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon. Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita kaya siyang mga taong nananalig sa kanya?”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid


Ang pagdulog ng ating mga kahilingan sa Panginoon ang karaniwang laman ng ating mga panalangin. Hindi ba mas malalim at nararamdaman ang dasal kapag malapit na ang exam, o kaya kapag may pinagdadasal tayong sakit na nais gumaling. Minsan pa nga ay nagpupunta tayo sa simbahan upang magsindi ng kandila at nakikipag-bargain pa kay God! “Lord, kung ipapasa mo ako sa exam, magseserve na talaga ako bilang sakristan!” At minsan talagang kinukulit natin ang Ama pagbigyan lang tayo sa ating mga kahilingan.


B. Paghahawi


“Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon. Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan.” Lucas 18:7-8


Pag-ugnay sa Ebanghelyo


Natutuhan natin noong isang linggo na natutuwa ang Panginoon kung tayo ay malugod na nagpapasalamat sa mga grasyang ating natatanggap. Ngayon naman ay binibigyang diin ni Hesus na wala tayong panalangin na hindi diringgin ng Panginoon hangga’t taos puso natin itong idinudulog sa kanya.


C. Pagtatabas


  1. Ano ang hinihingi ng babaeng balo sa hukom? Ibinigay ba kaagad ng hukom ang hinihingi ng babae?

  2. Ano ang nangyari kalaunan sa huli?


D. Pagtatabas


Ilang beses ba ako nagdadasal sa isang araw? Ipinagpapatuloy ko ba ang panalangin ko kung sa tingin ko ay hindi na ito ibinibigay ng Diyos?


E. Pagsasaayos


  1. Ang taong taos pusong nagdadasal na may buong pananampalataya ay diringgin ng ating Ama sa langit. Sabi nga sa talinghaga, kahit ang masamang hukom ay naggawad ng katarungan dahil lagi siyang ginagambala. Paano pa ang Amang lumikha?

  2. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa ating mga panalangin. Hindi man ito ibinibigay o tila natatagalan tayo sa Kanyang tugon ay hindi nangangahulugang hindi Niya tayo mahal. Ibibigay Niya ang nararapat para sa atin sa tamang panahon.

  3. Huwag tayong makalimot na magdasal. Ang iba, sa dulo na ng araw bago matulog, o kaya isinisingit lang sa kanilang “free time”. Dapat maglaan tayo ng tamang panahon at wastong oras sa ating pagdarasal.


F. Pagdiriwang


Anu ano ang aking mga ipinagdadasal sa Panginoon? Ito ba ay para lamang sa mga materyal na bagay? Lumikha ng panalanging naaangkop gamit ang Five Finger prayer - tignan ang KatoLago Worksheet para sa linggong ito.


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Awit at Papuri Website

Exploring God’s Word, Word and Life Publications


70 views0 comments

Comentarios


bottom of page