🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan
Unang Linggo ng Adbiyento 🕯 Paghahanda sa Kanyang Pagdating
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 24, 37-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang pagdating ng Anak ng Tao ay matutulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Noon, ang mga tao’y nagsisikain, nagsisiinom at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe. Dumating ang baha nang di nila namalayan at tinangay silang lahat. Gayun din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa panahong iyon, may dalawang lalaking gumagawa sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa. Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Ipinagdiriwang natin ngayon ang unang linggo ng Adbiyento o Advent. Anong paghahanda ang ginagawa natin para sa darating na Pasko? Ang pagkakabit ng mga palamuti at mga ilaw? Ang pamimili ng mga regalo? Ang pagpaplano ng Christmas party o kung saan magmagbabakasyon? Ito ba ang tunay na mahalagang paghahanda para sa nalalapit na pagsilang ng Panginoon?
B. Paghahawi
“Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan." Mateo 24:44
Pag-ugnay sa Ebanghelyo
Inaanyayahan tayo ni Hesus na iayon natin ang paghahanda ng ating sarili para sa nalalapit na muling pagdating ng Panginoon at huling paghuhukom. Hindi natin nalalaman ang oras at panahon ng katapusan kaya’t dapat lagi tayong nakahanda para sa Kanya.
C. Pagtatabas
Sa kaninong kuwento inihalintulad ni Hesus ang huling paghuhukom? Ano ang mga sinasabing ginagawa ng mga tao bago dumating ang malaking baha? Pagnilayan kung paano natin pinaghahandaan ang muling pagdating ni Hesus sa katapusan ng panahon.
D. Pagsasaayos
Ang Adbiyento ay panahon ng PAGHAHANDA para sa nalalapit na pagsilang ni Hesus. Bagamat tila nakakatakot ang mensahe ng Ebanghelyo sa linggong ito, mas ituon natin ang ating atensyon sa tamang paghahanda: hindi sa pagkakabit ng mga palamuti o pamimili ng mga regalo kundi sa aktibong pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Ang paghuhusga ay hindi nakabatay sa ganda ng Christmas tree o sa sarap ng handang pagkain sa Noche Buena.
Inaanyayahan tayo ni Hesus na suriin ang ating sarili at magbago hangga’t may panahon pa. Hindi natin alam kung kailan dadating ang panahon na tayo ay papanaw o ang huling paghuhukom. Bilang mas makabuluhang paghahanda sa panahon ng Kapaskuhan, pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at sikaping mabuhay sa kabutihan.
E. Pagdiriwang
Ano ang unang hakbang sa tamang paghahanda ng sarili para sa muling paghaharap natin ni Hesus?
Kasama ang pamilya ay gumawa ng korona ng Adbiyento o Advent wreath at sama-samang manalangin sa bawat pagsisindi ng kandila bago ang Pasko. I-download ang guide mula sa KatoLago FB page o sa www.katolago.com
Sources:
Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Awit at Papuri Website
Exploring God’s Word, Word and Life Publications
Salamat s diyos nararapat lang na sya ay purihin at pasalamatan dahil sa pag gabay sa aming pamilya at mahal sa buhay amen,,+++