top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Nobyembre 20, 2022 | Huling Linggo sa Karaniwang Panahon | Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa San


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan


Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 23:35-43


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas.


Noong panahong iyon, nilibak si Hesus ng mga pinuno ng bayan. Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo, “Ito ang Hari ng mga Judio.”

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “ Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid


Hindi na karaniwan sa panahon ngayon ang mga hari di tulad noong unang panahon. Ikaw, nakakita ka na ba ng hari? Siguro sa litrato… o kaya sa libro… Pero alam mo ba na may Hari na namumuhay sa ating mga puso!? Di tulad ng mga taong hari, si Hesus ay nagkatawang tao ngunit Diyos, at ang Kanyang pananakop ay base sa ating pagtugon sa Kanyang tawag bilang tagasunod Niya. Hindi niya tayo pinipilit, nasa na ang desisyon upang mapabilang sa Kanyang kaharian. Ang kailangan laman natin ay maging mabuti at mapagmahal na alagad ng Diyos.


B. Paghahawi


“ Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.” Lucas 23:43


Pag-ugnay sa Ebanghelyo


Masasaksihan natin sa Ebanghelyo ngayon ang tagpo sa buhay ni Hesus na mas karaniwang naipapahayag kapag Mahal na Araw; ang pangungutiya, pagpapako at pagkamatay ni Hesus sa Krus. Sinasariwa natin ngayon ang dahilan kung bakit si Hesus ay hinatulan ng kamatayan; ang diumano’y pagproklama Niya sa Kanyang sarili bilang Hari ng mga Hudyo. Ang mas mahalagang mensahe ng Ebanghelyo ngayon ay pagiging Banal na Hari ni Hesus na sa gitna ng labis na hirap at pagkapahiya ay nangako siyang isasama niya ang nagsising magnanakaw sa paraiso.


C. Pagtatabas


Isipin: kung ikaw ang nasa situwasyon ni Hesus, walang kasalanan, ngunit ipinahiya, kinutya at pinarusahan, ano ang mararamdaman at gagawin mo?


Kung ikaw, sa panahong iyon ay nasa Kalbaryo kasama ni Hesus na nakapako sa krus, ano ang gagawin mo?


D. Pagsasaayos


Karaniwan nating nakikita sa mga imahe ng krus kung saan nakapako si Hesus ang mga letrang “INRI” - ang mga letrang ito ay hango sa salitang Latin na “Iesus Nazarenus Rex Iudaeorum” o “Hesus Nazareno, Hari ng mga Hudyo”. Bagamat ang intensiyon nito ay mamahiya at mangutya, ito ay simbolo ng katotohanang si Hesus ay Hari di lamang ng mga Hudyo kundi ng buong mundo; ang titulong ito ay angkop at nararapat.


Si Hesus ay Hari ng sansinukob - Si Hesus bilang banal na persona ng Diyos ay kabilang sa pagkabuo ng lahat ng bagay at parte ng lahat ng bagay hanggang sa huli.


Si Hesus ang hari ng lahat ng tao - Si Hesus ay ipinadala ng Diyos Ama upang turuan tayo kung paano maligtas. Sa huli, inialay Niya ang Kanyang sarili upang mapatawad tayo sa ating mga kasalanan. Sa Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, ipinapakita Niya ang Kanyang Banal na kapangyarihan laban sa kamatayan, dala ang pangako ng buhay na walang hanggan para sa lahat ng sumusunod sa Kanya.


Si Hesus ang Hari ng mga puso - Ang Kanyang kaharian ay base sa pagmamahal at hindi sa pananakop o pananakot. Hindi niya ipinupuwersa ang Kanyang sarili na maghari sa ating buhay, bagkus, hinihintay Niya ang ating desisyon na maging tagasunod Niya. Ang Kanyang paghahari ay nasa puso ng taong tunay na nagmamahal at nagpapatotoo para sa Kanya.


E. Pagdiriwang


Paano ko maipapakita sa lahat na si Hesus ang Hari ng at buhay? Paano ko isasagawa ang pagmamahal, katapatan at pagpapasalamat sa Kanya?


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Awit at Papuri Website

Exploring God’s Word, Word and Life Publications

58 views0 comments

Comments


bottom of page