top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Nobyembre 13, 2022 | Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon | Panahon ng Pagpapatotoo kay Kristo

Updated: Nov 13, 2022



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan


Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 21, 5-19


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Noong panahong iyon, pinag-uusapan ng ilan sa mga tao ang templo – ang kahanga-hangang mga bato na ginamit dito at ang mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Darating ang panahong lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, walang batong ititira sa ibabaw ng kapwa bato.”


Tinanong nila si Hesus, “Guro, kailan po ito mangyayari? At ano ang magiging palatandaan na ito’y magaganap na?”


Sumagot siya, “Mag-ingat kayo at nang hindi mailigaw ninuman! Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako ang Mesiyas!’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. Huwag kayong mabagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi darating karaka-raka ang wakas.” At sinabi pa niya, “Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit.


“Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili; sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid


Kung tayo ay may ginagawang kapilyuhan, halimbawa, nangupit ng pagkain, o kaya nakabasag ng bagay na di dapat pinaglalaruan, o kaya dumadako sa lugar kasama ang mga kaibigan na pinagbabawalan puntahan, kailan tayo nakakaramdam ng takot? …habang ginagawa ang mali? … o kapag nahuli na? Naiisip natin kung gaano kasakit ang mapagsabihan, mapagalitan o mapalo ni nanay ng tsinelas. Nakakatakot diba? Dadating ang panahon para sa katapusan ng mundo, ito rin ba ang mararamdaman natin pagdating ng panahon? Katatakutan?


B. Paghahawi


“Darating ang panahong lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, walang batong ititira sa ibabaw ng kapwa bato.” Lucas 21:6


Pag-ugnay sa Ebanghelyo


Hindi man natin alam kung kailan ay darating ang panahon ng katapusan; maggugunaw ang mundo at ang paghuhukom. Sa huli, huhusgahan tayo ng Panginoon sa lahat ng nagawa natin sa buhay at igagawad ang katarungan para sa lahat. Ang mga nananatiling mabuti at tapat sa Kanya ay isasama Niya sa kanyang kaharian.


C. Pagtatabas


Paano ba tayo nabubuhay sa mundong ito? Sa kabutihan o sa kasamaan? Hindi ba tayo natatakot na hindi natin makakapiling si Hesus sa buhay na walang hanggan?


D. Pagsasaayos


Maraming senyales ang pagdating ng katapusan ng mundo: “Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit.” Lucas 21:11 Hindi ba tila naririto na ang mga senyales na yan?


Ang Ebanghelyo ngayong linggo ay hindi pananakot kundi mensahe ng pagtitiwala at pag-asa. Para sa mga nabuhay sa kabutihan, ang huling paghuhukom ay hindi wakas kundi simula ng buhay na walang hanggang ligaya sa piling ng ating Panginoong Maykapal.


Huwag ituon ang pansin sa mga senyales ng katapusan. Ang mahalaga ay ang paghahanda ng sarili lalo na ng ating kaluluwa. Sikaping gumawa ng kabutihan sa araw-araw. Itinuro na sa atin ni Hesus ang lahat ng kailangan nating gawin: mahalin ang kapwa, pakainin ang nagugutom, alagaan ang may karamdaman, ibukas ang mata at tumugon sa pangangailangan ng iba. Humingi tayo ng tawad sa ating mga kasalanan at magdasal. At kung dadating ang panahon na tayo ay uusigin dahil sa ating pananampalataya, handa dapat tayong tiisin ang sakit at pagdurusa upang manindigan para sa Kanya.


E. Pagdiriwang


Ano ang unang hakbang mo tungo sa paghahanda sa buhay na walang hanggan? Gumawa ng kabutihan ngayong linggo simula sa pamilya, sa kapitbahay at sa pamayanan.


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Awit at Papuri Website

Exploring God’s Word, Word and Life Publications


46 views0 comments

Comments


bottom of page