May 12 | Ang Pag-akyat sa Langit ng Ating Panginoon
📖 Pagbasa: Marcos 16:15-20
Ang wakas ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon: Napakita si Hesus sa Labing-isang alagad at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumampalataya at mabinyagan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”
Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Hesus ay iniakyat sa langit, at lumuklok sa kanan ng Diyos. Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Pagmamasid
Kapag umaalis ang ating mga magulang o ang mga nakatatandang nag-aalaga sa atin, sila ay karaniwang nagbibilin o nag-iiwan ng utos; tulad ng mag-luto sa tamang oras, asikasuhin ang kapatid, gumawa ng takdang aralin o kaya maglinis ng bahay. Ginagawa nila ito hindi upang tayo’y pahirapan kundi magabayan tayo sa mga gawain o dapat gawin habang sila ay wala sa bahay. Ganito rin ang ginawa ni Hesus bago Siya umakyat sa langit. Nagbilin Siya ng mga gawain sa Kaniyang mga alagad. Ano nga ba ba ang kanyang mga bilin at hamon sa kanila?
Paghahawi
Muling nagbilin si Hesus sa Kanyang mga alagad. Sa Kaniyang ngalan ay makapagpapagaling sila ng maysakit, makakapagpalayas ng demonyo at makapag-papangaral sa iba’t ibang wika. Inilahad ni Hesus ang mga “regalo” sa mga mananampalataya at ang kaparusahan sa hindi mananampalataya.
“Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila.” Marcos 16:20
Pagtatabas
Ginagampanan ko ba ang mga tungkuling ibinilin ni Hesus bilang Kanyang alagad?
Pagsasaayos
Sa pag-akyat ni Hesus sa Langit ay nagbilin Siya ng mga tungkulin sa mga alagad. Tayo bilang mga alagad at tagasunod ni Hesus ay may kapangyarihan din na gawin ang mga himalang sinasabi sa Ebanghelyo! Sa ating munting paraan ay kaya nating maibsan ang paghihirap ng mga may karamdaman. Kaya rin nating mangaral ng Mabuting Balita tulad ng pagbabahagi nito sa ating mga kapamilya o kaibigan. Gamitin natin ang social media upang mapalaganap ang mga aral ni Hesus.
Walang imposible sa tulong ng Panginoon at ito ang pangakong iniwan Niya sa atin: na kahit wala na Siya sa lupa ay patuloy Niya tayong tinutulungan. Hindi ito magiging madali, maaari tayong usigin o pagtawanan ng ating kapwa, kahit pa ang ating pamilya o kaibigan! Kaya’t dapat humingi tayo ng lakas sa Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang magampanan natin ang mga hamon ni Hesus at maging mabuti tayong tagapagpalaganap ng kabutihan.
Pagdiriwang
Kumatha ng liham kay Hesus bilang tugon sa Kanyang mga hamon. Humingi ng tulong sa Espiritu Santo upang magampanan ang mga tungkulin natin bilang Kristiyano.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comentarios