top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Mga Patunay ng Muling Pagkabuhay at Kapistahan ng Banal na Awa ni Hesus


Apr 7 |Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

📖 Pagbasa: Juan 20:19-31


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”


Ngunit si Tomas na tinaguriang Kambal, isa sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Hesus. Kaya’t sinabi sa kanya ng ibang alagad, “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.”

Makalipas ang walong araw, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad; kasama nila si Tomas. Nakapinid ang mga pinto, ngunit pumasok si Hesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” Saka sinabi kay Tomas, “Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”

Marami pang kababalaghang ginawa si Hesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala sa aklat na ito. Ang mga natala rito’y sinulat upang sumampalataya kayong si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️


Pagmamasid

Na-prank ka na ba? Usong uso ngayon ang mga prank kung saan pinagkakaisahan ng isa o higit pa at niloloko o pinapaniwala ang isang tao sa bagay na hindi naman totoo. Kapag lubusan nang naniwala o naging emosyonal ang kanilang niloloko ay tsaka nila isisiwalat na kalokohan lang ang lahat. Marahil noong panahon na iyon sa buhay ni Tomas ay parang hindi kapani-paniwala ang sinasabi ng kanyang mga kaibigan at kasama na muling nabuhay si Hesus! Kaya minarapat niyang siya mismo ang makakita upang ganap na maniwala na si Hesus ay tunay nga nang nabuhay!


Paghahawi

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga alagad at iginawad ang Espiritu Santo sa kanila. Wala noon si Tomas, kaya’t nag ikuwento nila sa kanya ang nangyari ay hindi siya naniwala. Makalipas ang 8 araw ay nagpakitang muli si Hesus sa kanila at kay Tomas. 


“Tingnan mo ang aking mga kamay atilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.” Juan 20:27-29

Pagtatabas

Kailangan mo bang makita ang isang bagay o pangyayari bago paniwalaan ito? Naniniwala ba tayo kay Jesus kahit hindi natin Siya nakikita?


Pagsasaayos

Kung nasubaybayan mo ang mga Ebanghelyo mula noong Pasko ng muling pagkabuhay, si Hesus na mismo ang lumalapit at nagpapakita sa mga taong nakapaligid sa Kanya. Mula sa pagpapakita Niya kay Maria Magdalena, sa mga disipulo sa daan patungong Emaus, sa tabi ng Lawa ng Tiberias at ngayon sa loob ng kuwartong nakapinid o naka-lock. Dala ni Hesus sa lahat ng pagkakataong ito ang pagbati ng kapayapaan at pagpapatunay na sa Kanya nanggagaling ang awa at grasya lalo na sa pagpapatawad. 


Hinahamon tayo ng Ebanghelyo ngayong linggo sa tatlong bagay:

  1. Ang paniniwala at pananampalataya na Siya ay muling nabuhay. Hindi man natin Siya pisikal na nakikita, Siya ay nasa puso nating lahat. Sa Kanyang mga pangaral lamang matatagpuan ang daan upang makarating tayo sa Kanya sa dulo ng ating buhay. 

  2. Hinahamon tayo na isabuhay ang mga aral Niya. Hindi sapat na tayo’y manampalataya at maging madasalin. Dapat may kaakibat na paggawa sa pamamagitan ng pagtulong lalo na sa nangangailangan. Tulad ni Hesus na Siyang mismong tumutulong at nagpapagaling sa mga maysakit at bumubuhay ng patay, tayo man din, sa ating maliit na paraan ay may kapangyarihang gawin ito sa Kanyang Ngalan. 

  3. Maging instrumento ng kapayapaan sa lahat. Namatay si Hesus upang mapatawad tayo sa ating mga kasalanan, hatid Niya ang kapayapaan sa ating lahat. Mahirap man ay kailangan natin humingi ng lakas mula sa Espiritu Santo upang ganap na makalaya sa galit at lungkot dulot ng pagtangging bitawan ang mga sakit dulot ng pagkakasala ng ating kapwa sa atin. 


Pagdiriwang

Sikaping makapag-simba tuwing linggo. Tumanggap ng sakramento ng kumpisal upang maging ganap ang pagtanggap natin sa biyaya ng muling pagkabuhay ni Hesus!


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇 




Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________

165 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page