top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Mga Maliliit na Pastol na Sumunod sa Mabuting Pastol

Updated: Apr 19, 2024

Apr 21 |Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

📖 Pagbasa: Juan 10, 11-18



Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus: “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. Ang upahan ay tumatakas, kapag nakikitang dumarating ang asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa’y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga tupa. Kaya’t sinisila ng asong-gubat ang mga ito, at pinangangalat. Tumatakas siya palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. Ako ang mabuting pastol. Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya’y nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. Mayroon akong ibang tupa na wala sa kulungang ito. Kinakailangang sila’y alagaan ko rin; pakikinggan nila ang aking tinig. Sa gayo’y magiging isa ang kawan at isa ang pastol.


“Dahil dito’y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli. Walang makakukuha nito sa akin; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kunin uli. Ito ang utos na tinanggap ko sa aking Ama.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️


Pagmamasid

May alaga ka bang hayop tulad ng aso, pusa o ibon? Kung wala ay nakakita ka na ba ng ibang tao na mayroon? Sinasabi nila na ang “aso daw ay ang pinakamatalik na kaibigan” ng tao. Para sa kanila, ikaw ang kanilang amo at susundan ka nila saan ka man pupunta. Gagawin nila ang ano mang gusto mong ipagawa sa kanila. Sa kabila naman nito, sinusuklian natin ang kanilang pagkilala at pagmamahal sa pamamagitan ng pagpapakain, paglalaro at pag-aalaga sa kanila. Hindi natin nanaisin na sila’y magkasakit o mapahamak. At kung sila’y maligaw o mawala, hindi natin mawawari ang ating kalunkutan, hahanapin natin sila sa paghahangad na maibalik sa ating pangangalaga. 


Pagnilayan natin kung sino ang tinuturing nating pastol ng ating buhay. 


Paghahawi

Inilarawan ni Hesus ang sarili bilang Mabuting Pastol na handang mag-alay ng Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa.


“Ako ang mabuting pastol. Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya’y nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa.” Juan 10:14-15

Pagtatabas

Sino ang kinikilala kong pastol ng aking buhay? Wangis ba nila si Hesus sa ating pananaw?


Pagsasaayos

Isa sa mga pinakamamahal nating larawan o pagpapakilala ni Hesus ay ang “Mabuting Pastol”. May ginhawa itong dulot sa ating mga tao na tayo’y hindi Niya pababayaan magpakailanman. Madalas, ang mga tupa ay walang sariling pag-iisip, sumusunod lang kung saan man mapadpad ang ibang mga tupa. Maari din silang mawalay at maligaw. 


Tayo man ay malimit na naliligaw ng landas at nawawala. Ngunit ilang beses man tayong mawala sa piling ni Hesus ay pilit pa rin Niya tayong hinahanap. 


Ipinadadala ni Hesus ang kanyang mga “maliliit na pastol” upang makatuwang Niya sa pag-aalaga sa ating mga tao. Sino nga ba ang mga ito? Sila ay ang mga pari at ang mga relihiyoso na walang sawang tumulong gabayan tayo upang mapalago ang ating buhay pananampalataya. Iniaalay nila ang kanilang buhay upang sundan ang yapak ni Kristo at maging katuwang natin sa paglago ng ating buhay espirituwal. 


Suklian natin ang kanilang pagmamahal at paggabay ng ibayong pag-iingat. Kamustahin din natin sila at maging maunawain sa kanilang mga pagkukulang. Maging bahagi tayo ng kanilang buhay.


Pagdiriwang

May kaibigan ka bang pari o madre? Kamustahin sila at ipagdasal. Iparamdam sa kanila ang ating pagmamahal at pagpapasalamat sa kanilang sakripisyo para sa napili nilang bokasyon. 


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇 



Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________


37 views0 comments

Recent Posts

See All

Commentaires


bottom of page