🌹 Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Pagdalaw ni Inang Maria o ang Visitation. Isa itong natatanging kaganapan dahil sa pagkikita ni Maria at ang pinsan niyang si Elisabet (Elizabeth) na noo’y parehong nagdadalang-tao. Si Maria ay buntis sa pamamagitan ng Espiritu Santo at si Elisabet naman ay nabuntis sa kabila ng kanyang katandaan. Nang makita ni Elizabeth si Maria ay lumundag sa tuwa sa kanyang sinapupunan si San Juan Bautista.
Mula sa tagpong ito nasabi ni Maria ang tinaguriang Magnificat o Awit ng Papuri ni Maria [hango sa Lucas 1:46-55]:
Sinabi ni Maria,
“Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang abang kalagayan ng kanyang alipin.
Sapagkat tiyak na mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa para sa akin ng mga dakilang bagay
at banal ang kanyang pangalan.
Ang kanyang awa ay sa mga natatakot sa kanya
sa lahat ng sali't-saling lahi.
Siya'y nagpakita ng lakas sa pamamagitan ng kanyang bisig;
pinagwatak-watak niya ang mga palalo sa mga haka ng kanilang puso.
Ibinaba niya ang mga makapangyarihan sa kanilang mga trono,
at itinaas ang mga may abang kalagayan.
Ang mga gutom ay binusog niya ng mabubuting bagay,
at ang mayayaman ay pinaalis niya na walang dalang anuman.
Tinulungan niya ang Israel na kanyang alipin,
bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
Tulad nang sinabi niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang binhi magpakailanman.”
😇 Inaanyayahan tayo na magdasal ng rosaryo upang mapagnilayan ang iba't ibang mga tagpo sa buhay ni Kristo. 🙏
Comments