top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Ang Panawagang Mamuhay ng Matalik sa Diyos

Jan 14 | Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon

📖 Pagbasa ngayong Linggo: Juan 1:35-42



Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Noong panahong iyon, nakatayo si Juan at ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nakita niya si Hesus na nagdaraan, at kanyang sinabi, “Ito ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, at sumunod sila kay Hesus. Lumingon si Hesus at nang makitang sumusunod sila ay kanyang tinanong, “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito’y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” ani Hesus. Sumama sila at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na yaon. Noo’y mag-iikaapat na ng hapon.


Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Hesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. Una niyang hinanap ang kapatid niyang ito, at kanyang sinabi sa kanya, “Natagpuan namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito’y Kristo. At siya’y isinama ni Andres kay Hesus. Tiningnan ni Hesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang ipangangalan ko sa iyo’y Cefas.” Ang katumbas ng ngalang ito’y Pedro.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️


Pagmamasid

Sino ang iniidolo mong artista, singer o kaya grupo? Diba kung may hinahangaan tayong artista o kilalang personalidad ay sinusundan natin ang kanilang buhay sa tv o kaya sa social media? Tumitili tayo pag nakikita natin sila sa tv o sa facebook. Tila nararamdaman din natin ang lungkot kapag may nangyayaring di kanais-nais sa kanila. At higit sa lahat, hindi tayo takot na ipamalita sa mga taong nakapaligid sa atin ang ating pag-hanga sa kanila sa pag-asang matulad din sila sa iyong paghanga! Ganito mo rin ba hinahangaan si Hesus? 


Paghahawi

Sa pagproklama ni Juan Bautista na “Kordero ng Diyos” si Hesus ay agad na sumunod ang dalawa niyang alagad sa Kanya. Isa sa mga alagad ay si Andres na agad namang dinala ang kanyang kapatid na si Simon na binansagan ni Hesus na “Pedro”. 

“Nakita niya si Hesus na nagdaraan, at kanyang sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, at sumunod sila kay Hesus. Juan 1:36-37

Pagtatabas

Ibinabahagi ba natin sa ating kapwa ang pananampalataya at Mabuting Balita ng Panginoon?


Pagsasaayos

Bilang Kristiyano, hindi sapat na may personal na pagkakakilanlan tayo sa Kanya. Inaasahan tayo ng Panginoon na ibahagi natin sa iba ang Kanyang buhay at mga pangaral. Sa gayong paraan, marami tayong mga tao, lalung lalo na ang mga mahal natin sa buhay na mahihikayat na maging mabuti at nawa’y maisama natin sa buhay na walang hanggan!


Hindi ito madali, dahil maraming tao ang pagtatawanan tayo lalo na sa panahon ngayon! Marahil, hindi tayo papansinin ng ilan at ang iba naman ay kukutyain tayo sa ating paggawa ng kabutihan. Minsan pa nga ay mismong mga mahal natin sa buhay ay magiging sagabal sa ating misyon. 


Huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Kahit sa tingin natin ay walang makikinig o tayo’y pagtatawanan, ipagpatuloy natin ang pagpapahayag ng buhay ni Hesus sa iba. I-share natin ito sa social media, ikuwento natin ito sa mga kaibigan at ipagpatuloy natin ang ating pagdadasal. Sa ating maliit na paraan, maipapahayag natin ang Mabuting Balita sa lahat!


Pagdiriwang

Paano mo ipapakita ang iyong pagsunod sa yapak ni Hesus sa iyong mga mahal sa buhay? Paano mo sila mahihikayat na maki-isa sa iyong pananampalataya?


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇 




Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________





36 views0 comments

Recent Posts

See All

Kommentare


bottom of page