top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Isa Kay Kristo at Kaisa Ni Kristo

June 2 | Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon

📖 Pagbasa:Marcos 14:12-16. 22-26


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Lebadura, araw ng pagpatay ng kordero para sa Paskwa. Tinanong si Hesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampasowa?” Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan. May masasalubong kayong isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinatatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng Hapunang Pampasowa, kasalo ng kanyang mga alagad.’ At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” Nagtungo sa bayan ang mga alagad at natagpuan nga nila roon ang lahat, gaya ng sinabi niya sa kanila. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.


Samantalang sila’y kumakain, dinampot ng tinapay si Hesus, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo; ito ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang kalis, at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila; at uminom silang lahat. Sinabi niya, “Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom ng alak na mula sa ubas hanggang sa araw na inumin ko ang bagong alak sa kaharian ng Diyos.” Umawit sila ng isang imno, at pagkatapos nagtungo sa Bundok ng mga Olibo.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️


Pagmamasid

Bilang isang pamilya, kumakain ba kayo ng sabay-sabay? Sa hapag, lalo na sa hapunan, nagaganap ang kumustahan ng mga naganap sa buong araw, pagkukuwentuhan at paglalahad ng mga saloobin ng bawat isa. Ang bawat hapunan ay mahalaga, isa ito sa mga mahahalagang sangkap ng pagkakabuklod-buklod ng pamilya. Sa Ebanghelyo ngayong linggo ay ikinuwento ang mga naganap sa hapunan ni Hesus kasama ng kanyang mga alagad. 


Paghahawi

Tinipon ni Hesus ang Kanyang mga alagad at nagsalu-salo sa hapunan. Ito ang Kanyang huling hapunan kasama nila bago naganap ang mga pangyayari na hahantong sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. 


“Samantalang sila’y kumakain, dumampot ng tinapay si Hesus, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo; ito ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang kalis, at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila; at uminom silang lahat. Sinabi niya, “Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami.” Marcos 14:22-24 

Pagtatabas

Karapat-dapat ba akong tumanggap ng Katawan at Dugo ni Kristo?


Pagsasaayos

Madalas tayo ay inaanyayahan na dumalo sa mga espesyal na okasyon tulad ng mga birthdays ng ating mga kaibigan o kaanak. Hindi ba tayo’y naghahanda? Pumipili tayo ng maayos na damit, minsan pa nga ay bumibili pa tayo ng bago. Nagdadala rin tayo ng regalo para sa nag-cecelebrate ng kanyang birthday!


Tulad ng mga apostoles, tayo rin ay may pagkakataong makasalo si Hesus sa hapunan. Ito ay nagaganap tuwing tayo ay nagmimisa. Hindi lamang natin sinasariwa ang kaganapan noong panahong iyon bagkus, sa pamamagitan ng mga pari, ay nagiging katawan at dugo ni Hesus ang hostiya at alak sa hapag na siya nating tinatanggap tuwing komunyon. 


Hinahamon tayo ni Hesus na laging maging handa sa pagsalo sa Kanyang piging. Panatilihin nating malinis ang ating kalooban at sumalo ng buong puso sa Misa. Tayo’y dapat na makikinig sa mga pagbasa, tutugon at aawit kasama ng ibang mga sumasalo sa Banal na Eukaristiya. Sa ganitong paraan lamang natin maipapakita kay Hesus na handang handa tayong makiisa sa Kanya. 


Pagdiriwang

Magmisa kasama ng pamilya at buong puso tayong makiisa sa sambayanan.


+ Panginoong Jesus, salamat sa patuloy na pag aalay ng iyong sarili sa Banal na Eukaristiya bilang pagkain at inuming nagdudulot sa amin ng buhay na walang hanggan, amen..


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇 



Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________



41 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


bottom of page