Apr 28 | Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
📖 Pagbasa: Juan 15:1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayun din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan, at ipagkaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Pagmamasid
Narinig niyo na ba ang kasabihang “Kung ano ang puno ay siya ang bunga?” Isipin: Ang puno ba ng mansanas ay mamumunga ng saging? O ang puno ng sampalok ay mamumunga ng atis? Kung mangyayari ito ay tunay na magiging kataka-taka hindi ba?
Kung ano puno, siya ang bunga. Ganito ang mensahe ni Hesus ang Kanyang sarili at sa Kanyang mga tagasunod sa sipi ng Ebanghelyo ngayong linggo. Ano nga ba ang ibig sabihin nito para sa ating buhay espirituwal?
Paghahawi
Inihambing ni Hesus ang Kanyang sarili sa puno ng ubas at ang mga tagasunod ang mga sanga. Inilarawan niya ang mga bungang dulot ng mga sangang kaisa ng puno ng ubas.
“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga” Juan 15:5
Pagtatabas
Naniniwala ba ako na kung wala si Hesus ay wala akong magagawang kahit ano sa aking buhay-espirituwal?
Pagsasaayos
Inaanyayahan tayo ni Hesus na manatili sa Kanya. Hindi lamang bilang isang kalakbay kundi isang sanga na nakadikit sa Kanya. Sa Kanya lang tayo makakakuha ng sustansya upang mapanatili nating dumadaloy ang grasya, pagmamahal, pag-gabay at pagpapatawad. Kung tayo ay mawawalay sa Kanya, matutuyo ang ating buhay-espirituwal. Mawawalan tayo ng gana sa buhay at wala tayong magagawang tunay na makabuluhan. Baka nga manaig pa ang paggawa natin ng kasamaan!
Sa pagiging kaisa ni Kristo, tayo ay mananatiling buhay; at tayo’y mamumunga ng sagana! Ano ang ibig sabihin nito? Magiging mas mabait tayo, mas maginhawa ang buhay at kahit na anong problema ay ating malalampasan sa tulong Niya. Mas makagagawa tayo ng kabutihan at mababakas ng ating kapwa si Hesus sa ating mga mukha.
Hinahamon tayo ni Hesus na manatiling kaisa Niya sa pamamagitan ng mga Sakramento. Ang mga Sakramento ay grasyang sa Kanya mismo nagmula.
Pagdiriwang
Ano ang aking magagawa upang mapatibay ang aking pakikipag-isa sa kanya? Alin sa mga sakramento ang aking tinanggap?
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments