top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Hulyo 10, 2022 | Ika-15 Lingo sa Karaniwang Panahon | Ang Mabuting Samaritano




Gabay para sa Katekesis

Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan

Hulyo 10, 2022


Ika-15 Lingo sa Karaniwang Panahon | Ang Mabuting Samaritano


Lucas 10:25-37


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Noong panahong iyon, may isang eskribang lumapit kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Tumugon siya, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”


Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’ Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Lesson: Sino ang aking kapwa?

Magkuwento o magbigay ng situwasyon sa Buhay o magbigay ng halimbawa ng “kapwa”. Sino ang kapwa? Ang kapwa ay ang mga kapamilya o kaibigan lang ba? Paano ang mga hindi natin kilala at ang mga kaaway?


B. Paghahawi

“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili..” Lucas 10:27

Pag-ugnay sa Ebanghelyo


D. Pagtatabas

Bilang kabataan, paano ba ako naging mahabagin sa aking pamilya, kapwa kabataan, at sa mga batang tinuturuan ko?


C. Pagsasaayos

  • Upang makapunta sa langit ay kailangan nating ibigin ang ating kapwa tulad ng ating pagmamahal sa sarili.

    • Ang kapwa ay lahat ng tao, hindi lamang ang mga mahal natin

  • Sa Ebanghelyo, nakita ng saserdote at Levita ang lalaking nabugbog at halos patay na sa daan ngunit hindi man lang sila huminto upang tumulong. Nagkasala ba sila?

    • Isa bang kasalanan ang ipikit ang mata sa pangangailangan ng iba? Paano kung tayo ang nasa kalagayang iyon at walang tumulong sa atin? Ano ang ating mararamdaman?

  • Kahanga-hanga ang Samaritano dahil nagpakita siya ng habag at awa sa taong nangangailangan. Hindi man niya ito kilala ay ginamot niya ang mga sugat at dinala sa bahay-panuluyan upang gumaling.

    • Sino sa atin ang nagpakita ng ganitong malasakit sa kapwa? Ano ang mga situwasyon natin sa buhay kung saan natin mai-a-apply ang turong ito ni Hesus?


E. Pagdiriwang

Lumikha ng sariling simpleng panalangin para sa mga bata o gamitin ang galing sa paghahawan

“Hesus, patawad sa mga panahon na hindi kami nagging mabuting kapwa sa iba. Turuan Ninyo kami na Palaging magmalasakit sa aming kapwa.”


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Exploring God’s Word, Word and Life Publications

7 views0 comments

Comments


bottom of page