top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Hulyo 31, 2022 | Ika-18 Lingo sa Karaniwang Panahon | Magpayaman Tayo sa Mata ng Diyos





Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 12:13-21


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya “Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.” At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: “Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami naman na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Lesson: Masama ba ang maging mayaman?


Sa huling Linggong ito ng Hulyo, inaanyayahan tayo ng Salita ng Diyos na magnilay sa kawalan ng kabuluhan ng ating buhay na makasarili at lubog sa materiyalismo at hilig sa kasiyahan. Sa kasamaang palad, marami ang nalilinlang sa ganitong buhay, at sa gayo’y nagiging tagapagpahirap ng mas mahihina nilang kapatid.


B. Paghahawi “Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.” Lucas 12:20-21

Pag-ugnay sa Ebanghelyo

Kung tutuusin ay walang masama sa pagiging mayaman at lalong hindi ito kasalanan. Sa katunayan, dapat nating ipinagpapasalamat sa Diyos ang lahat ng pagpapala na tinatamasa natin sa buhay dahil ang lahat ng ito ay nagmula sa Kanya. Kung gayon, alin ang masama at ang dapat ituring na kasalanan? Ayon sa Panginoong Jesus sa Ebanghelyo, ang kasakiman ang dapat nating pag-ingatan upang hindi ito maging lason na papatay sa ating puso upang magmalasakit sa kapwa.


C. Pagtatabas

Anong biyaya ang maaari nating ibahagi sa iba upang makatulong tayo sa mas higit na nangangailangan?


D. Pagsasaayos

Ano ang mga bagay na dapat nating gawin upang maiwasan ang lason ng kasakiman?

  • Ituring nating ang lahat ng bagay na mayroon tayo ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos.

    • Kung ganito natin itinuturing ang lahat ng biyayang kaloob sa atin ng Diyos, mas magiging malinaw sa atin na ang mga ito ay hindi lamang dapat nating gamitin para sa sariling kapakinabang kundi para rin sa kapakanan ng iba.

    • Sa gayon ay matututo tayong magbahagi ng anumang bagay na mayroon tayo.

  • Ituring nating ang mga bagay na ating ibinabahagi sa ibang tao, lalo’t higit sa mga nangangailangan, ay paraan upang tayo ay makapag-impok ng kayamanan sa langit.

    • Kaya’t hindi natin dapat panghinayangan ang mga bagay na ibinibigay natin sa iba. Maaaring sa ating pagkakaloob ay unti-unting maubos ang ating kayamanan sa lupa; subalit sa katotohanan ay nag-iimpok tayo ng kayamanan sa langit sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan.

    • Ito ang kayamanang ipagkakaloob sa atin ng Diyos.

    • Balang araw kapag sumapit na tayo sa Kanyang kaharian, ang kayamanan sa lupa ay iiwan natin sa oras ng kamatayan ngunit ang kayamanan sa langit ay tatamasahin natin habambuhay.

  • Ituring nating ang pagbibigay ay paraan upang maipadama natin sa kapwa ang malasakit ng Diyos.

    • Ito naman talaga ang ating misyon bilang mga kristiyano, ang maipakilala sa kapwa ang mapagmalasakit na Diyos; at mas higit na mararanasan ito ng mga tao kung tayong mga kumikilala sa Kanya ay magbabahagi ng mga biyayang ating tinatanggap lalo’t higit sa mga nangangailangan.

    • Ang sabi nga ng Panginoon, “Kung mag-iibigan kayo, mas higit nilang makikilala na kayo ay mga alagad ko.”

E. Pagdiriwang

Ituro at awitin ang kantang “Panalangin sa Pagiging Bukas Palad” o gumawa ng panalanging naaangkop sa aral ng Ebanghelyo ngayong linggo.


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Awit at Papuri Website

Exploring God’s Word, Word and Life Publications

25 views0 comments

Comments


bottom of page