top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Pagsasariwa ng Pag-asa

Updated: Jan 11, 2024

Dec 3 | Unang Linggo ng Adbiyento

📖 Pagbasa ngayong Linggo: Marcos 13:33-37


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras. Katulad nito’y isang taong umalis upang maglakbay sa malayong lupain: ipinababahala ang kanyang tahanan sa mga alipin na binigyan ng kanya-kanyang gawain, at inuutusan ang bantay-pinto na maging laging handa sa kanyang pagdating.


Gayon din naman, maging handa kayong lagi, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog. Ang sinasabi ko sa inyo’y sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo!”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️


Pagmamasid

Kung umaalis sina nanay o tatay at tayo’y maiiwan sa bahay, ano ang kanilang ginagawa? Hindi ba sila’y nagbibilin? Ibinibilin nila ang pangangalaga sa ating mga kapatid o nakababatang kapamilya, ipinamamahala sa atin ang ilang gawaing bahay tulad ng paglilinis o pagsisinop ng gamit o di kaya’y ang pagsasaing ng kanin. Ito ay nang sa gayo’y sa kanilang pababalik ay maayos na kayong makakakain ng hapunan at maagang makapagpapahinga. Ngunit paano kung hindi mo ito ginawa at nadatnan kang natutulog? Ano ang mararamdaman nila? Ano naman ang mangyayari sa’yo? Ikaw kaya’y mapapagalitan o mapapalo?


Paghahawi

Pinapaalalahanan tayo ni Hesus na maging handa at hindi natin alam kung kailan muling magbabalik ang Panginoon upang tayo ay husgahan.


“Gayon din naman, maging handa kayong lagi, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog.” Marcos 13:35-36

Pagtatabas

Handa ba tayo kung sakaling sa oras na ito ay dumating ang Panginoon?


Pagsasaayos

Sa pagbubukas ng bagong taong Liturhiko, pinapaalalahanan tayo ni Hesus na maging HANDA sa Kanyang muling pagdating. Sa sipi ng Ebanghelyo ngayong linggo ay apat na beses niyang sinabi ang salitang handa. Ito ay pagbibigay diin sa kanyang paalala sa atin na hindi natin pinababayaan ang ating buhay espirituwal. Isinasabuhay natin ang Kanyang mga pangaral lalung lalo na ang paglingap at pagmamahal sa nangangailangan at walang wala.

Paano nga ba natin ito maisasakatuparan? Paano ba tayo nagiging mabuti sa ating tahanan… sa ating mga mahal sa buhay. Marunong ba tayong magpasalamat? Inaakap ba natin ang ating mga magulang? Nagiging magalang ba tayo sa kanila? Paano ba tayo makitungo sa ating mga kapatid? Sa ating maliit na paraan ay marami na tayong magagawa upang magpakita ng kabutihan sa isa’t isa.


Pagdiriwang

Kumatha ng maikling listahan ng mga bagay na maaaring gawin upang maipakita ang kabutihan sa mga mahal natin sa buhay.


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito👇




Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ

Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________


29 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page