top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Ang Misyong Maging Saksi ng Liwanag

Updated: Jan 11, 2024

Dec 17 | Ika-3 Linggo ng Adbiyento

📖 Pagbasa ngayong Linggo: Juan 1: 6-8. 19-28


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.


Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong kung sino siya, sinabi ni Juan ang katotohanan. Sinabi niyang hindi siya ang Mesias. “Kung gayo’y sino ka?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi po,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?” Sumagot siya, “Hindi po.” “Sino ka kung gayun?” tanong nila uli. “Sabihin mo sa amin para masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” Sumagot si Juan, “Ako‘Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang:Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!’”Ang Propeta Isaias ang maysabi nito.


Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesiyas, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot siya, “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.” Ito’y nangyari sa Betania, sa ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️


Pagmamasid

Naimbitahan ka na ba ng iyong kaibigan na dumalo sa kanyang birthday party? Ano ang nararamdaman mo habang papalapit na ang kanyang kaarawan? Hindi ba’t excited tayo sa pagdating ng araw na iyon? Naiisip na natin ang iba’t ibang mga handa tulad ng spaghetti, lumpia, hotdog, ice cream at cake! Inihahanda na natin ang ating regalo at ang ating susuoting damit. Hindi man tayo ang may birthday ngunit tayo ay nag-aayos din para sa espesyal na araw na ito ng ating kaibigan. Ganito rin mailalarawan si San Juan para sa nalalapit na pagdating ng Mesiyas sa kanyang mga pahayag. Tanyag man si San Juan noong kapanahunan niya, hindi niya inaako ang ilaw na nararapat lamang na para kay Hesus. 


Paghahawi

Sinubok ng ilang mga saserdote si San Juan Bautista sa kanyang pagkatao. Inaalam nila kung si San Juan na nga ba ang mesiyas o propeta. Sagot ni San Juan Bautista: “Sa tubig ako nagbibinyag ngunit may nakatayo sa piling ninyo na hindi ninyo kilala. Siya ay dumating na kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng Kanyang panyapak.”


Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang:Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!’”Ang Propeta Isaias ang maysabi nito.” Juan 1:8

Pagtatabas

Tulad ba ako ni Juan na si Hesus ang inihahayag, hindi ang sarili?


Pagsasaayos

Lahat tayong mga Kristiyano ay tinatawag ng Panginoon na maging tagapagpahayag ng pagdating ng Panginoon. Tayo ay naghahanda sa Kanyang pagdating sa pamamagitan ng pagtataas sa Diyos ng lahat ng ating mga gawain. Ipinaaalam natin sa iba na ang mga biyayang natatanggap natin ay biyaya ng Panginoon. 


Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ay maaari nating gawin sa ilang simpleng paraan. Una, maaari nating ipahayag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsisimba at pag-aya sa ating mga kasama sa bahay na sumama sa pagdalo sa Misa. Maari rin nating hikayatin ang ating mga mahal na buhay na magdasal ng sama-sama. 


Sabi nga nila, “Action speaks louder than words” kaya kung tayo ay gagawa ng kabutihan araw-araw, naipapakita natin sa ibang tao ang pagmamahal ng Panginoon sa mga tao. Tayo na mismo ang magiging instrumento ng pagpapahayag ng Kanyang kabutihan sa lahat. 


Pagdiriwang

Ang hamon sa ating ngayong linggo: Paano mo maipapahayag ang kabutihan ng Panginoon sa iba? Anong mga paghahanda ang ginagawa mo para sa nalalapit na pagsilang ng Panginoon sa Pasko?


I-download ang KatoLago worksheet para sa linggong ito 👇




Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


19 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page