📖 Pagbasa: Mateo 1, 16. 18-21. 24a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Si Jacob, ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi niya sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
__________________________________________
Si San Jose ang ama ni Hesus dito sa lupa at asawa ni Inang Maria. Ang kaunting nalalaman natin sa buhay niya ay mababasa sa bibliya. Siya ay karpintero na galing sa marangal na angkan ni David. Si San Jose ay tahimik, mapangalaga at masunurin. Malimit siyang kinakausap ng mga anghel bilang mensahero ng Panginoon, at walang siyang pagaatubili sa pagsunod.
Si San Jose ay huwaran ng mga asawang lalaki at ama. Ipagdasal natin na kung pano niya pinrotektahan at ginabayan ang kanyang pamilya ay siya ring maging pag-iingat sa atin at sa ating pamilya. O mahal ng San Jose, ipanalangin mo kami.
Source:
Comments