top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria



💡 #alammoba na bagamat ang imahe ng Immaculate Conception ay si Inang Maria, ang kapistahang ito ay hindi patungkol sa pagbubuntis niya kay Hesus kundi ang pagbubuntis sa kanya ni Santa Ana. Kung bibilangin ang siyam na buwan mula ngayon ay tatapat ito mismo sa birthday ni Mama Mary sa September 8.


Ayon sa ating paniniwalang Katoliko, para maipagbuntis ni Inang Maria si Hesus, siya mismo ay ipinagbuntis na walang bahid ng kahit na anong kasalanan.


Sinasabi na noon pang ika-5 siglo ay ipinagdiriwang na ng mga sinaunang Katoliko ang kapistahang ito at noong taong 1476 ay ipinalaganap na ito sa buong simbahan ni Pope Sixtus IV.


Ang Kapistahang ito ay idineklarang "Holiday of Obligation" ng simbahang Katolika na ang ibig sabihin ay kailangan natin magsimba sa araw na ito. 👼


📖 Pagbasa mula kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙏 Manalangin Tayo

+ Sa Ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.


O kalinis-linisang Birhen at mapagkandiling Ina, buhay sa aming abang kalagayan at pagkakasadlak sa kasalanan ay ipinagmamakaamo namin sa iyo na pagdalitaang dinggin ang aming mga karaingan at tapunan kami ng sulyap ng mga mata

mong maawain.


O batis ng awa, marapatin mo pong dinggin ang pagdarasal naming ito upang maging daan ng ipagtatamo namin ng iyong masaganang biyaya, hindi lamang para sa aming katawan kundi lalung-lalo ng mga makasalanan at ikapapanuto nitong aming bayan, alang-alang sa walang hanggang kaluwalhatian ng Diyos. Siya nawa.


Virgen Inmaculada Concepcion,Ipanalangin mo kami. Amen +

18 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page