May 19 | Linggo ng Pentekostes
📖 Pagbasa: Juan 20:19-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawag na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Pagmamasid
Paano bang makaramdam ng kapayapaan? Ano ba ang kapayapaan sa iyo? Ito ba ay katahimikan? Sandaling pahinga sa mga problema? Ito ba ay sa piling ng iyong mahal sa buhay o sa pag-iisa? Saan natin ito nakukuha?
Paghahawi
Nakasara ang pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio. Dumating si Jesus at sinabi sa kanila at isinugo sila sa mundo kalakip ng Kanyang bilin para sa kanila.
“Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Juan 20:21-22
Pagtatabas
Sa anong pagkakataon ng ating buhay nakadarama tayo ng kapayapaan kay Hesukristo?
Pagsasaayos
Iba iba ang kapayapaan para sa ating lahat. Ang mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kapayapaan ay maaring maipagkamali sa katahimikan, sa pagkakaroon ng oras para makapag-pahinga, o makapagbakasyon. Ngunit ano pa man ito, ito ay pansamantala. Kung ang pinagmumulan ng kapayapaan sa ating puso ay galing sa Banal na Espiritu, may kaakibat itong kaginhawaang nagtatagal. Ito marahil ay ang tibay ng loob na magawa ang bagay na hindi natin mapagtagumpayan! Maari rin itong karunungan o pagtitimpi sa mga bagay o mga taong hindi natin mapagtiisan. Minsan pa nga, ang kapayapaan ay ang mahanap natin ang tamang landas na tatahakin sa ating buhay.
Ano pa man ang nararamdaman nating sakit o bumabagabag sa ating kalooban at isipan, hingin natin ang kaloob na kapayapaan na dulot ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni Hesukristo. At ihanda natin ang ating sarili na makinig at tanggapin ang tulong na makapagpapanatag sa ating buhay.
Pagdiriwang
Tuwing kailan ko nararamdaman ang kapayapaang dulot ng Espiritu Santo? Sa paanong paraan natin nararamdaman ang presensya ng Espiritu Santo?
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments