Mar 3 | Ika-3 Linggo ng Kuwaresma
📖 Pagbasa: Juan 2:13-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Hesus sa Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag. Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalaala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.”
Dahil dito’y tinanong siya ng mga Judio, “Anong tanda ang maibibigay mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” Tumugon si Hesus, “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Sinabi ng mga Judio, “Apat-napu’t anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
Ngunit ang templong tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan. Kaya’t nang siya’y muling mabuhay, naalaala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Hesus.
Nang pista ng Paskuwa, nasa Jerusalem si Hesus. Marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga kababalaghang ginawa niya. Subalit hindi nagtiwala sa kanila sa Hesus, sapagkat kilala niya silang lahat. Hindi na kailangang may magsalita pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat talastas niya ang kalooban ng lahat ng tao.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Pagmamasid
Gaano kalinis ang inyong kuwarto sa bahay? Marami bang kalat? Mga tirang pagkain na nakasabog? May mga basura bang hindi naililigpit? Kung may darating kang kaibigan upang makipag-laro, kuwentuhan o gumawa ng project kasama mo, maipagmamalaki mo ba ang iyong kuwarto sa kanila?
Paghahawi
Nagtungo si Hesus sa Templo. Doon nakita niya ang napakaraming nagbebenta ng mga hayop at nagpapalit ng pera. Nagalit siya’t itinaob ang mga lamesa, isinabog ang mga barya pinaalis ang mga nagbebenta doon.
“Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalaala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.” Juan 2:16-17
Pagtatabas
Malimit ko bang inaalala na sa binyag, ako ay naging templo ng Diyos? Iginagalang ko ba ang kabanalan ng aking pagkatao at maging ng ibang tao?
Pagsasaayos
Ang templo na itinutukoy ni Hesus sa Ebanghelyo ay una ang Kanyang katawan. Inilarawan Niya na ang templo ng Panginoon ay mamamatay sa pagpapahirap ng mga tao at muling mabubuhay sa paglipas ng 3 araw. Hindi pa ito naunawan ng mga tao, maging ng Kanyang mga tagasunod noong panahong iyon.
Ang ikalawang templo na itinutukoy sa Ebanghelyo ay ang ating mga katawan. Napapanatili ba natin ang kalinisan nito? Dumudumi ang ating mga katawan kapag tayo ay gumagawa ng kasalanan at sa ating pagtangging tumulong sa ating kapwa na nangangailangan. Nariyan ang mga sakramento upang ilapit natin sa Panginoon at mapatawad ang ating mga kasalanan.
Binibigyang pagpapahalaga ni Hesus ang kalinisan at kaayusan sa ating buhay. Anong mga bagay sa ating buhay ngayon ang kailangan nating ayusin? Naaangkop ang panahon ng Kuwaresma upang maihanda at malinis natin ang ating kalooban upang sa paggunita natin ng muling pagkabuhay ni Hesus ay handang handa nating ialay ang ating katawan at kaluluwa para sa Kanya.
Pagdiriwang
Pagnilayan: Paano ko nililinis ang aking katawan at kaluluwa? Kailan ako huling nagkumpisal?
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments