top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Ang Panawagang Mamatay sa Sarili Upang Mabuhay ang Iba

Updated: Apr 4, 2024

Mar 17 | Ika-5 Linggo ng Kuwaresma

📖 Pagbasa: Juan 12:20-33



Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan


Noong panahong iyon: Kabilang ang ilang Griego sa mga pumunta sa pista upang sumamba. Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida, Galilea, at nakiusap, “Ginoo, ibig po naming makita si Hesus.” Sinabi ito ni Felipe kay Andres, at silang dalawa’y lumapit kay Hesus at ipinaalam ang kahilingan ng mga iyon. Sinabi ni Hesus, “Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao. Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan. Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”


“Ngayon, ako’y nababagabag. Sasabihin ko ba, ‘Ama, iligtas mo ako sa kahirapang daranasin ko?’ Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito — upang danasin ang kahirapang ito. Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.” Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Pinarangalan ko na ito, at muli kong pararangalan.” Narinig ito ng mga taong naroon at ang sabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!” Sinabi ni Hesus. “Ipinarinig ang tinig na ito dahil sa inyo, hindi dahil sa akin. Panahon na upang hatulan ang sanlibutan. Itataboy ngayon sa labas ang pinuno ng sanlibutang ito. At kung ako’y maitaas na, ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano siya mamamatay.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.





🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️


Pagmamasid

Paano tayo nagpaparami ng halaman? Hindi ba’t ibinabaon natin ang buto sa lupa? Ang ibang halaman naman ay pinuputol o ginugupit ang mga sanga upang makapagpatubo ng bago. Iniisip ba natin kung nasasaktan ang mga halamang ito na ibaon ang mga buto o putulin ang mga sanga upang magkaroon ng mga bagong halaman? Ito ang tema ng Mabuting Balita ngayong linggo. Inihambing ni Hesus ang sarili Niya sa butil ng trigo na nakatakdang mamatay sa sarili upang mamunga at makalikha ng mas marami pang iba. 


Paghahawi

Inihahayag na ni Hesus sa Kanyang mga tagasunod kung paano Siya lilisan sa mundong ito. Ito ay balot ng paghihirap.


“Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao. Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami.” Juan 12:23-24 

Pagtatabas

Bilang tao, si Hesus man ay nabagabag sa babatain Niyang hirap. Ano ang mga “hirap” na pinagdadaanan mo ngayon na pumipigil sa iyong tuluyang sumunod sa Panginoon?


Pagsasaayos

Hinalintulad ni Jesus ang kanyang kamatayan sa isang butil ng trigo, mamamatay pagkahulog sa lupa ngunit ito ay magdudulot ng maraming bunga. Bagama’t nag-aalala si Jesus tungkol sa kung ano ang mangyayari may tinig na nagmula sa langit: “Pinarangalan ko na ito, at muli kong pararangalan.”


Hinahamon tayo ng sipi ng Ebanghelyo na yakapin ang pagbabago at magkaroon ng malalim na pakikipag-ugnay at relasyon sa Panginoon. Sundin natin ang Kanyang mga aral gaano man ito kahirap lalo na sa harap ng mga pagsubok at pangungutya kahit pa ito ay mula mismo sa ating mga mahal sa buhay. Hayaan nating si Hesus ang magpanibago sa puso ng mga taong umuusig sa atin. 


Tulad ni Hesus, iwan natin sa mga makamundong gawain at takot. Nariyan ang Banal na Espiritu upang tulungan tayong magtagumpay! Ang ibig sabihin ng “mamatay” ay iiwan na natin ang mga negatibo sa ating buhay - maging mapagkumbaba, mapagpatawad at isantabi ang galit. Sa ganitong paraang laman tayo lubos at buong pusong makakasunod sa Kanya tungo sa buhay ng kaluwalhatian. 


Pagdiriwang

Pagnilayan: Paano ko ipinapakita kay Hesus ang aking kahandaang sumunod sa Kanya? Ano ang mga hirap na kaya kong tiisin para sa Kanya?


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇 



___________________________________________

Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.



100 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page