May 5 | Ika-6 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
📖 Pagbasa: Juan 15:9-17
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang inuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Pagmamasid
Alam natin na hindi lahat ng tao ay nagugustuhan natin. Kahit na sa school o sa ating mga kapit-bahay ay hindi naman natin lahat kasundo. Paano yung mga taong may nagawang hindi maganda sa atin? Paano natin sila pakikisamahan? Ano nga ba ang hamon ni Hesus upang maging lubos at ganap ang ating pagsunod at pagsama sa Kanya.
Paghahawi
Inilahad ni Hesus sa Kanyang mga Apostoles ang kahalagahan ng pag-ibig bilang tanda at hamon ng ating pakikiisa sa Kanya.
“Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin niyo sa ma sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang iniutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.” Juan 15:16-17
Pagtatabas
Paano ko sasabihin at ipapakita na nagmamalasakit ako sa aking kapwa?
Pagsasaayos
Sa pagpapatuloy ng pagbibilin ni Hesus sa Kanyang mga apostoles ay inilihad niya ang kahalagahan ng pagmamahal sa kapwa. Tayo ay naka-ugnay at nagiging totoong mga kasama Niya kung lagi nating pipiliin na mahalin ang kapwa kahit na hindi natin kilala o lubos na nagugustuhan tulad ng mga kaaway o mga taong nakagawa ng hindi maganda sa atin.
Itinuturing tayong kaibigan ni Hesus at hindi mga alipin. Kaya’t itinuro Niya sa atin ang lahat ng paraan upang makapiling natin ang Ama sa dulo ng ating buhay sa lupa.
Pagdiriwang
Pagnilayan: Paano ko ibinabalik ang pakikipag-kaibigan ni Hesus sa atin? Namumunga ba ako ng pag-ibig sa aking buhay?
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Comments