top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Agosto 7, 2022 | Ika-19 Lingo sa Karaniwang Panahon | Pananampalataya Natin ang Ating Lakas






Gabay para sa Katekesis

Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan


Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 12:32-40


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para pagdating niya ay mabuksan agad ang pinto. Mapalad ang mga alipin na abutang nagbabantay


pagdating ng kanilang panginoon. Sinasabi ko sa inyo, maghahanda siya, padudulugin sila sa hapag, at maglilingkod sa kanila. Mapapalad sila kung maratnan niya silang handa, dumating man siya ng hatinggabi o madaling-araw siya dumating. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Lesson: Paano ka nagiging handa sa pagdating ng Diyos?

Ang paksang diwa ng Linggong ito ay “pananampalataya” – ang pananampalatayang nagpapahayag sa ating tayo ay mga anak ng Diyos at nag-uudyok sa ating magalak sa Kanyang pagliligtas sa atin bilang Kanyang mga anak.


B. Paghahawi

“Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.” Lucas 12:40


Pag-ugnay sa Ebanghelyo


Ang pananampalataya ay siyang dakilang kaloob ng Panginoon na di lamang dapat ipahayag ng ating mga labi, kundi marapat patunayan sa gawa. Gayon ang pananampalatayang nakapangyayari sa kawanggawa, ang pananampalatayang nagliligtas at naghahatid ng liwanag at lakas sa atin.


C. Pagtatabas

  • Minsan ba’y nag-iisip kayo at nagtatanong kung para saan kayo nabubuhay?

  • Para saan? Para kanino? Anong “goal”, pangarap o layunin natin sa buhay?

D. Pagsasaayos


Hindi natin alam kung kailan darating ang kamatayan o ni ang muling pagbabalik at paghuhukom ng Diyos sa mundo. Kapag ito’y nangyari anumang oras, handa ka na ba? Ano ang sasabihin mo sa Panginoon?

  • Mapalad tayo bilang mga Katoliko, naririnig natin ang Salita ng Diyos at ipinapakain sa atin ang mismong katawan at dugo ni Kristo sa Banal na Komunyon upang maging malakas tayo Espiritwal.

    • Magiging pananggalang ito sa mga masasama at kaakibat para makagawa tayo ng mabuti sa kapwa kung makikinig tayo sa Kanya na nananahan sa puso natin.

    • Inihayag na ng Panginoon sa atin at paulit-ulit pa kung ano ang dapat nating gawin upang makamtan ang buhay matapos ang buhay dito sa mundo. Ang tanong ay, gusto mo ba ng buhay na walang hanggan? Saan mo ba gusto mapunta matapos ang buhay dito sa mundo?

    • Kailangan ngayon pa lang at anumang oras ay handa tayo. Sapagkat bilang mga Katoliko ay naniniwala tayong hindi natin permanenteng tahanan ang mundo na ito.

  • Ang tahanan natin at tutuluyan magpasawalang hanggan ay ang langit kapiling ng Diyos. Doon tayo kabilang.

    • Dito sa mundo palaging may bago at walang permanente. Kahit gaano kasarap ang kainin ay magugutom. Kahit gaano kasaya ang anumang “party” ay matatapos. Sapagkat Diyos lamang ang tunay nating ligaya na nananatili at nagtatagal dito at hanggang kabilang buhay. Kaya dapat dito pa lamang sa lupa, isa na sa “goals” natin ang magpakabanal.

    • Magbigay. Magsilbi. Magtrabaho ng marangal at ang sobrang pera o kahit kaunting bahagi noon ay ibigay sa kapwa. Ibigay natin ang lahat ng ating kaya upang sumunod kay Jesus sa ating sariling paraan at buhay. Mayroong paraan kung gusto natin. Magsisi tayo sa kasalanan at sikaping maging matuwid.

  • Ngayon pa lang ay ginigising na tayo ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Salita habang may oras pa.

    • Sana isa din sa mga pangarap natin ay yung wala tayong “regrets” kapag dumating ang oras na kukunin na muli Panginoon ang buhay na ibinigay niya sa atin.

    • Habang may oras pa, kumilos na tayo at gawin ang tama. Ito ang sabi at imbitasyon ng Panginoon para sa ating lahat.

E. Pagdiriwang

Sa pagdiriwang ng Linggo ni San Juan Maria Vianney o Linggo ng mga Kura Paroko, inaanyayahan tayong higit na magpahalaga sa mga gawa ng mga kura paroko para sa kanilang mga kawan. Pasalamatan natin ang ating kura paroko at ang kanyang mga katulong sa kanilang pagiging kasangkapan ng kalinga ng Diyos sa atin. Nawa maging inspirasyon nila ang kanilang patrong si San Juan Maria Vianney.


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Awit at Papuri Website

Exploring God’s Word, Word and Life Publications

14 views0 comments

Comentários


bottom of page