top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Agosto 28, 2022 | Ika-22 Lingo sa Karaniwang Panahon | Ang Mababang Loob Lamang ang Maaaring Maging

Updated: Aug 27, 2022




Gabay para sa Katekesis

Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan


Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 14:1.7-14


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Isang Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo; at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.


Napansin ni Hesus na ang pinipili ng mga inanyayahan ay ang mga upuang nakalaan sa mga piling panauhin. Kaya’t sinabi niya ang talinghagang ito: “Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inanyayahang lalong tanyag kaysa iyo. At lalapit ang nag-anyaya sa inyong dalawa at sasabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay ninyo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayo’y mapapahiya ka at doon malalagay sa pinakaabang upuan. Ang mabuti, kapag naanyayahan ka, doon ka maupo sa pinakaabang upuan, sapagkat paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin, ‘Kaibigan, dini ka sa kabisera.’ Sa gayun, nabigyan ka ng malaking karangalan sa harapan ng mga panauhin. Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”


Sinabi naman ni Hesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kapag naghahanda ka, huwag ang mga kaibigan mo, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, sapagkat aanyayahan ka rin nila, at sa gayo’y nagantihan ka. Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo’y magiging mapalad ka. Gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal.”


A. Pagmamasid


Sa ebanghelyo sa Linggong ito, inaanyayahan tayo ng Salita ng Diyos na magnilay sa masamang bunga ng pagmamataas at sa kahalagahan ng kababaang loob. Pagmamataas ay siyang nagsadlak kay Lucifer sa impiyerno. Pagmamataas at ambisyon ang nag-udyok kina Adan at Eva na sumuway sa Diyos. Dulot ng pagmamataas sa mga tao ang napakaraming pagdurusa.


B. Paghahawi


“Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” Lucas 14:11


Pag-ugnay sa Ebanghelyo

Ang kasalungat ng  pagmamataas ay KABABAANG-LOOB. Ito ay nagdudulot ng galak, kapayapaan, at pampasigla sa lahat. Para sa mga may mababang loob, lahat ng mabuti nilang katangian ay kaloob ng Diyos, at bawat tagumpay ay nagmumula sa Kanya.


C. Pagtatabas

  • Paano makikita sa atin ang kababaang loob sa gitna ng kahirapan?

D. Pagsasaayos


Sabi ni Saint Mother Teresa ng Calcutta, “Kung ikaw ay mababa ang loob, wala nang makakaapekto sa iyo.” O sa wikang Ingles ay “If you are humble, nothing can touch you”. Gaano nga ba katotoo ang salitang ito?


Tinuturuan tayo ni Jesus paano maging mababa ang loob. Siya mismo ang ating ehemplo na bagamat Siya ay Diyos at makapangyarihan sa lahat, ginusto niyang bumababa mula sa langit upang maging tao.

Bilang mga Kristiyano, marapat lamang tayo’y maging mababa ang loob tulad ni Jesus. Habang tayo ay nagmamataas, lalo tayong ibababa ng iba at kamumuhian. Ngunit kung tayo ay mababa na, ang mga tao mismo ang magtataas sa atin. Wala nang makakaapekto sa atin kung hindi natin makuha ang ating gusto. Kung hindi man pasalamatan o pansinin. Mananatili lagi ang kapayapaan sa ating puso.


Kung mababa ang ating loob, hindi na natin kailangan ng papuri ng iba. Sa gayon, hindi tayo masasaktan kung hindi natin ito makuha. At kung makuha man natin, alam nating hindi natin ito gawa kung hindi gawa ng Diyos. Lahat ng papuri ay madali nating ibigay lahat sa Diyos. Dahil dito, lalo niya tayong pagpapalain at kalulugdan.


E. Pagdiriwang


Idalangin natin ang biyayang maging tunay na maging mababang loob.  Sa gayon, tayo’y magiging MAPAGBIGAY at magiging bukal ang kaligayahan para sa marami nating mga kapatid.

“Diyos na Mababa ang Loob, gawin mo akong tulad mo nang ako’y mas makapagmahal pa ng aking kapwa. Tanggalin mo ang lahat sa aking puso na nagdudulot ng labis na pagmamataas. Tulungan mo akong makita ang katotohanan gamit ang iyong liwanag. Maria at Jose, ipanalangin mo kami kay Jesus. Amen. +


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Awit at Papuri Website

Exploring God’s Word, Word and Life Publications




6 views0 comments

Comments


bottom of page