top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Agosto 21, 2022 | Ika-21 Lingo sa Karaniwang Panahon | Ang Hamon ng Makipot na Pintuan



Gabay para sa Katekesis

Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan


Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 13:22-30


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Noong panahong iyon, nagpatuloy si Hesus sa kanyang paglalakbay. Siya’y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan patungong Jerusalem. May isang nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sinabi niya, “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok.


“Kapag ang pinto’y isinara na ng puno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ At sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin.’ Sasabihin naman ng Panginoon, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!’ Tatangis kayo at magngangalit ang inyong ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, at kayo nama’y ipinagtabuyan sa labas! At darating ang mga tao buhat sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, at dudulog sa hapag sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”


A. Pagmamasid


Sa makabagong sikolohiya, pinahahalagahan nang gayon na lamang ang “mabuting pakiramdam” at “pagmamahal sa sarili” bilang kundisyon para sa pagmamahal sa kapwa. Ngunit sa Ebanghelyo ngayon, pinaaalalahanan tayo ni Jesus na walang madaling daan para maging alagad niya nang ipahayag niyang ang Kaharian ng Diyos ay mararating sa pamamagitan lamang ng “makipot na pintuan.”


B. Paghahawi


“Kapag ang pinto’y isinara na ng puno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok.” Lucas 13:25


Pag-ugnay sa Ebanghelyo


Tiyak na ang tinutukoy ni Jesus ay di ang materiyal na pintuang makipot, kundi ang “makipot na pintuan” ng katapatan sa ating mga tungkulin araw-araw at pagsunod sa kautusan ng Diyos sa ating buhay.


C. Pagtatabas

  • Naranasan mo na bang hindi tinanggap ng isang tao? Ano ang naramdaman mo?

  • Naranasan mo na ba ang dumaan sa makipot na pintuan upang gawin ang tama at narararapat upang makarating sa kaharian ng Diyos?

D. Pagsasaayos


Ano ba ang dapat nating gawin para magawa nating pumasok sa makipot na pintuang binabanggit ni Jesus sa ating Ebanghelyo? Madali lang ang sagot dito. Gayahin natin ang mga apostol ni Jesus, iniwan nila ang lahat upang sumunod kay Kristo. Madaling sabihin o isulat pero mahirap gawin. Paano mo igi-give-up ang mga materyal na bagay na pinahahalagahan mo-ang cellphone mo, ang tablet mo, ang kotse mo, ang bahay mo? Paano mo iiwanan ang mga pangarap mo at mga pinagsisikapan mong kamtin sa buhay mo?


Paano mo kalilimutan ang lahat ng galit mo sa kapitbahay mong ginawan ka ng masama? Paano mo tatanggalin ang lahat ng iyong takot, alinlangan at pagdududa? Paano mong tatanggalin sa katawan mo ang inggit at inis sa mga taong nakatalbog sa 'yo? Paano mo iiwasan ang lahat ng iyong mga bisyo? Kaya mo bang i-give-up ang facebook o ang internet? Mapipigil mo ba ang sarili mong gawin ang mga kasalanang paulit-ulit mong ginagawa?


Makipot ang pinto patungo sa kaligtasan, at ang lahat ng ito'y mga excess baggage na pumipigil sa atin para makapasok. Kaya bago tayo makapasok sa pinto, kailangan nating itapon ang lahat ng ito. Hindi ito madaling gawin. Lalo na at nakasanayan na natin at naging bahagi na ng pang-araw-araw nating mga buhay.


Malinaw ang panawagan ng ating Panginoon,  "Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok."

Hindi madaling gawin. Ang totoo'y para ngang imposible. Subalit idalangin nating makamit sana natin ang Espiritu Santo upang gabayan tayong unti-unting makalapit sa imahe ni Jesus na lumimot sa Kanyang sarili at namatay para sa atin. Idalangin nating mapunan ng Kanyang walang-hanggang pag-ibig ang kabutihan nating kulang na kulang.Tanggalin natin ang mga excess baggage natin. Hindi man madaling kamtin ang kaligtasan tulad ng inaakala ng iba, sa pangalan ni Jesus, ang lahat ay posible. Walang imposible basta nagsusumikap tayo at nananalig sa Kanya.


E. Pagdiriwang


Idalangin nating biyayaan tayo ng tibay ng kalooban para piliin natin ang “makipot na pintuan” ng pagsasakripisyo sa halip ng maluwang na pintuan ng karangyaan at iba pang anyo ng pansariling kasiyahan.

Ama naming makapangyarihan, ginagawa mong kami’y magkaisa ng kalooban. Ipagkaloob mong ang iyong mga utos ay aming mahalin, ang iyong mga pangako ay hangarin naming tanggapin, upang sa ano mang pagbabago sa paligid namin, manatiling matatag ang aming loobin sa tunay na kasiyahang matatagpuan sa iyong piling sa pamamagitan ni Jesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Awit at Papuri Website

Exploring God’s Word, Word and Life Publications


44 views0 comments

Comments


bottom of page