top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Agosto 14, 2022 | Ika-20 Lingo sa Karaniwang Panahon | Pagpili ng Tama




Gabay para sa Katekesis

Hango mula sa Daloy ng Bibliarasal ng SLRP at ng Paghahawan


Ebanghelyo ngayong Linggo: Lucas 12:49-53


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa – at sana’y napagningas na ito! May isang binyag pa na dapat kong tanggapin, at nababagabag ako hangga’t hindi natutupad ito! Akala ba ninyo’y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi. Mula ngayon, ang limang katao sa isang sambahayan ay mababahagi: tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.


Maglalaban-laban ang ama at ang anak na lalaki,

Ang ina at ang anak na babae,

At gayun din ang biyenang babae, at manugang na babae.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Sa dami ng mga pamimilian sa ating buhay, nangunguna na ang pagpili sa mabuti o masama… sa Diyos o kasalanan. Kabilang tayong mga Kristiyano sa mga pumili kay Kristo at sa lahat ng kanyang kinakatawa’t pinaninindigan. Ang gayong pagpili’y di panandalian – hindi para sa isang saglit o isang araw lamang, kundi pang habang-buhay.


B. Paghahawi

“Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa – at sana’y napagningas na ito!” Lucas 12:49


Pag-ugnay sa Ebanghelyo

Nariyan ang tukso sa ating gumaya sa maraming walang gaanong prinsipyong pinanghahawakan at nagkakasiya na lamang sa kung ano ang magaa’t madali. Si Jesus kailanma’y di sumunod sa ganyang landas kahit na mangahulugan itong mamamatay siya sa krus. Kung tunay tayong mga disipulo, di maaaring maiba ang ating pagpili sa kanyang kapasiyahan.


C. Pagtatabas


Aling mga bagay ang dapat nating iwasan dahil ang mga ito ang maglalayo sa atin sa Diyos?


D. Pagsasaayos

Sa pamilya ng Diyos ay mahalaga ang pagkakaisa nang sa gayon ay makamit natin isang mapayapang buhay. Subalit ano kaya ang kahulugan ng sabihin ng Panginoong Jesus sa ebanghelyo na ang hatid Niya ay hindi kapayapaan kundi pagkakabahabahagi?


Ang Panginoong Jesus ang tinutukoy sa aklat ni Propeta Isaias, bilang Prinsipe ng Kapayapaan kaya’t hindi madaling unawain ang sinabi Niya sa ebanghelyo na ang Kanyang hatid sa mundo ay pagkakabaha-bahagi. Ano nga kaya ang nais Niyang maunawaan natin kaugnay nito?

  • Hindi natin kailangang makipagkaisa sa mga gumagawa ng masama.

    • Bilang mga anak ng Ama, ang inaasahan sa atin ay ang laging gumawa ng kabutihan upang ito ang maghari sa mundo. Kaya’t ang anumang bagay na masama ay dapat nating layuan at iwasan sapagkat hindi ito tugma sa ating kalagayan bilang mga anak ng Diyos.

  • Hindi natin kailangang makipagkaisa sa mga tagapaghasik ng kadiliman.

    • Ang dahilan kung bakit lumalaganap ang kadiliman sa mundo ay dahil tayong mga dapat na tagapaghatid ng liwanag ng Panginoong Jesus sa mundo ay hindi nagbibigay ng ilaw sapagkat kung minsan nakikiayon tayo sa masamang takbo ng mundo. Kaya’t mahalagang makita ng madla kung sino ang mga tagapaghasik ng kadiliman at kung sino ang mga tagapaghasik ng kabutihan sa pamamagitan ng lagi nating pagpili na gawin ang tama at ang mga bagay na sang-ayon sa kalooban ng Ama.

  • Hindi natin kailangang makipagkaisa sa mga taong hindi kayang manindigan para sa Diyos.

    • Ito ang isang mahalagang hamon sa atin ng Ebanghelyo, ang yakapin ang binyag ng Panginoong Jesus at ito ay ang paghihirap na kailangan Niyang harapin upang matupad ang Kanyang misyon para sa kaligtasan ng mundo. Ito rin ang inaasahan sa atin bilang mga kristiyano, ang maging handa upang manatiling tapat sa Diyos hanggang sa huli, kahit pa man may kalakip itong paghihirap at pagdurusa.

E. Pagdiriwang

Ama naming makapangyarihan, lingid sa aming paningin ang mga inihanda mo para sa mga nagmamahal sa iyo. Padaluyin mo sa amin ang agos ng iyong pag-ibig upang sa pagmamahal namin sa iyo nang higit makamtan namin ang iyong mga pangakong di malirip na hindi pa sumasagi sa isip namin o panaginip. Iniluluhog namin ito sa pamamagitan ni Jesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen


Sources:

Daloy ng Bibliarasal, Fr. Niño Etulle, SCJ

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Awit at Papuri Website

Exploring God’s Word, Word and Life Publications

8 views0 comments

Comments


bottom of page