top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Si Hesus, Ang Tagapagpagaling ng Ketong

Feb 11 |Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon

📖 Pagbasa: Marcos 1:40-45



Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos


Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Pinaalis siya agad ni Hesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na.” Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupat hindi na hayagang makapasok ng bayan si Hesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Pagmamasid

Isa sa mga pinakatatakutan nating mangyari sa atin ay ang magkasakit. Kapag tayo’y maysakit, hindi tayo makalabas ng bahay. Hindi tayo makapaglaro. Kadalasan lalo na kung ang masakit ay ang ngipin o ang tiyan ay hindi rin tayo makakain. Ano ang ginagawa natin kapag tayo ay may sakit? Umiinom ng gamot? Nagpapahinga? O kaya nagdadasal… Naniniwala ka ba na kaya kang pagalingin ng Panginoon?


Paghahawi

Lumapit kay Jesus ang isang may ketong at nakiusap sa Kanya na siya’y mapagaling. Naawa si Hesus at pinagaling siya. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipagsabi ang himalang ginawa niya ngunit sinuway ito ng lalaki kaya’t naging tanyag siya sa bayan na mabisang magpagaling ng mga maysakit. 


“Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Marcos 1:40-42

Pagtatabas

Ang aking pananampalataya ba kay Hesus ay kasing tatag ng sa ketongin sa Ebanghelyo ngayon?


Pagsasaayos

Madalas tayong nangangailangan ng tulong mula  sa Diyos, ngunit hindi natin Siya laging nilalapitan. Ginagawa lamang natin ito kapag wala nang ibang pag-asa, at doon lamang natin Siya naaalala. Kilalanin natin ang kapangyarihan ng Ama na lumikha sa atin. Ang lahat ng ating pangangailangan ay kaya Niyang tugunan. Lahat ng biyaya natin ay nagmumula sa Kanya.


Hindi lamang sakit sa ating katawan ang kaya Niyang pagalingin. Maging ang mga sakit ng ating kaluluwa dulot ng paulit-ulit na pagkakasala ay maaaring mapatawad. Sa pagkukumpisal hinihilom ni Hesus ang ating kaluluwa hangga’t tayo’y lubusang nagsisisi at nangangakong magbabagong buhay. 


Maari din Niyang pagalingin ang mga sakit ng puso’t isipan. Hayaan nating hilumin ni Hesus ang bigat na nararamdaman dulot ng kalungkutan at kawalan ng pag-asa. 


Pagdiriwang

Anong sakit na nararamdaman - sa isip, katawan o kaluluwa ang nais nating pagalingin ni Hesus?


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito 👇👇👇 




Sources: 

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.



47 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page