top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Nov 19 | Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon


🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ang mga Kaloob ng Diyos ay para sa Paglilingkod at Pagiging Malikhain


Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 25:14-30


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limanlibong piso, ang isa nama’y dalawanlibong piso, at ang isa pa’y sanlibong piso. Pagkatapos, siya’y umalis. Humayo agad ang tumanggap ng limanlibong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limanlibong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawanlibong piso ay nagtubo ng dalawanlibong piso. Ngunit ang tumanggap ng sanlibong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.


“Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limanlibo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limanlibo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’ Lumapit din ang tumanggap ng dalawanlibong piso, at ang sabi, ‘Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong dalawanlibong piso. Heto naman po ang dalawanlibong pisong tinubo ko.’ Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan.’ At lumapit naman ang tumanggap ng sanlibong piso. ‘Alam ko pong kayo’y mahigpit,’ aniya. ‘Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang sanlibong piso ninyo.’ ‘Masama at tamad na alipin!’ Tugon ng kanyang panginoon. ‘Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana’y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang sanlibong piso at ibigay sa may sampunlibong piso. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ipin.’”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Lahat tayo biniyayaan ng Panginoon ng talento. Ang iba magaling kumanta, and iba naman sumayaw, ang iba naman magaling gumuhit o kaya magaling magsalita. Ang iba naman ay napakatalino: sa Math, sa English, o Science! Paano natin ginagamit ang mga talento na ibinigay sa atin? Ipinagyayaman ba natin ito? Nililinang ba natin ang talentong ito o isinasantabi o itinatago lang natin ito sa ating sarili?


B. Paghahawi

Ibinahagi ni Jesus ang isang talinghaga kung saan ipinagkatiwala ng isang amo ang kanyang ari-arian sa kanyang mga alipin. Sa kanyang pagbabalik hiningan Niya ng ulat ang mga ito kung paano nila pinalago ang bigay Nyang kaloob.


“Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ipin.’” Mateo 25:29-30

C. Pagtatabas

Tayo ba ay nagiging matatalinong tagapangasiwa sa mga talento at kayamang ipinagkatiwala ng Panginoon sa atin?


D. Pagsasaayos

Ano ang talentong ibinigay sa atin ng Panginoon? Paano natin ito ginagamit? Sa kabutihan, sa paggawa ng masama o hindi natin ito ginagamit o ipinapakita kanino man?

May mga tao tayong nakikita na ginagamit ang kanilang talento sa kabutihan. Ang mga taong tumutulong sa mga nangangailangan, naglilingkod sa simbahan tulad ng sa pagkanta sa choir o paggiging lector o commentator. Ang iba naman na magaling magluto ay tumutulong sa feeding program ng parokya o kaya naman ang mga mahilig magturo ay nagtuturo ng mga aral pananampalataya tulad ng mga ate at kuyang katekista.


Ang iba naman, sa kasamaang palad, ay ginagamit ang talento upang makagawa ng di mabuti. Ginagamit ang kanilang talino upang makalamang sa kapwa, o makakuha ng mga bagay na hindi sa kanila. Ang iba naman ay ginagamit ang kanilang galing sa pagsasalita at komunikasyon sa pagpapalaganap ng fake news o kaya sa panggugulo ng kaayusan.

Ang iba naman ay pinipiling itago ang kanilang talento para sa kanilang sarili. Siguro sila ay natatakot na mahusgahan o kaya mabigyan ng mas maraming responsibilidad sa buhay kaya’t nananatili na lamang silang tahimik at walang pananagutan.


Ano man ang ginagawa natin sa mga talentong kaloob ng Panginoon sa atin, alalahanin na sa dulo ng ating buhay, tayo’y tatanungin kung paano natin ito ginamit. May karampatang gantimpala ito para sa pinagyaman ang kanilang talento. Hindi magiging kanais-nais ang kahahantungan ng mga taong hindi ito pinagyaman o isinantabi lamang.


E. Pagdiriwang

Pagnilayan: Sino ako sa tatlong alipin? Nililinang ko ba ang mga talentong kaloob sa akin tulad ng una, ikalawa o ikatlong alipin?


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ

Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

_______________________________________________________________


24 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page