top of page
Search
Writer's pictureKatoLago Media

Sept 3 | Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon

🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️

Ang Halaga ng Pagiging Alagad


Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 16:21-27


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, sinimulang ipaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay. Niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan ng ganito: “Panginoon, huwag nawa ng itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” Ngunit hinarap siya ni Hesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”


Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay? Sapagkat darating ang Anak ng Tao na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama at kasama ang kanyang mga anghel. Sa panahong yao’y gagantihin niya ang bawat tao ayon sa kanyang ginawa.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


A. Pagmamasid

Paano ka ba nagsasanay para sa isang bagay? Halimbawa sa mga exam? O kaya sa para sa isang patimpalak sa school? Kung ito ay nasa larangan ng sports, tayo ay nag-eensayo ng mahabang oras, papawisan at mapapagod ng husto ang ating katawan. Kung ito naman ay para sa isang pagsusulit, mag-aaral tayo ng husto at ipagpapalit natin ang oras ng paglalaro at pagpapahinga upang mag-aral. Mahihirapan tayo at maraming isasakripisyo ngunit sulit ito sa huli dahil makakamtan natin ang ating layunin o “goal”. Ganito rin maihahambing ang sipi ng Ebanghelyo ngayong Linggo. Inihahanda na ni Hesus ang Kanyang mga alagad upang hindi sila mabigla sa mararanasan Niyang pagpapakasakit at pagkamatay upang mailigtas ang sangkatauhan.


“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon.” Mateo 16:24-25

B. Paghahawi

Inihahanda na ni Hesus ang mga alagad sa Kanyang sasapitin sa hinaharap. Nagulat si Pedro at sinabing “huwag nawa sanang mangyari iyon.” Ngunit sinabihan siya ni Hesus na lumayo dahil makamundo ang kanyang nais para sa Panginoon! Kinakailangan pagdaanan ang pagdurusa at kamatayan upang makamit ang kaluwalhatian.


C. Pagtatabas

Ayon ba ang mga plano at desisyon natin sa kalooban ng Diyos o ayon sa ating sariling pag-iisip?


D. Pagsasaayos

Maraming biyaya tayong natatamo araw-araw mula sa Panginoon. Marami dito ay ang mga magagandang bagay na nangyayari sa ating buhay na agaran nating nakikita at nararanasan. Ang mga halimbawa: ang magandang kalusugan, maayos na trabaho, masaya at walang problema sa pamilya. Ngunit dumadating din ang mga pagsubok o ang mapagbalat-kayong biyaya. Balot ito ng pagdurusa, paghihirap at pagsasakripisyo.


Masakit man ang ating mararanasan ay hinahamon tayo ni Hesus na maglakbay kasama Niya upang makalagpas sa ating mga pinagdadaanan. Sa kabila ng mga karanasang ito ay titbay ang ating pananampalataya at katayuan sa buhay. Higit sa lahat, sa kabila ng lahat ng ito ay ang kaginhawaan at buhay na walang hanggang kaligayahan sa piling ng Ama.


Kung tayo ay susubukin ng Panginoon, tanggapin natin ang ating mga paghihirap ngunti humingi tayo ng tulong sa Kanya upang ito ay malagpasan. Magdasal, ipagpatuloy ang paggawa ng kabutihan sa kapwa at mamuhay ng naaayon sa mga turo ni Hesus. Papasaan pa’t lilipas ang ating suliranin at giginhawa ang ating buhay.


E. Pagdiriwang

Ano ang pinakamabibigat na pinagdadaanan natin sa buhay? Ano ang ginagawa natin upang ito ay malampasan?


I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com


Sources:

Yaman ng Salita, Word and Life Publications

Paghahawan, Diocese of Novaliches

Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ


Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.


_______________________________________________________________


59 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


bottom of page