🦉📖 Gabay sa Pagninilay at Katekesis ✝️
Ang Matuto sa Diyos ng Pagiging Mapagbigay
Ebanghelyo ngayong Linggo: Mateo 20:1-16a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: lumabas nang umagang-umaga ang may-ari ng ubasan upang humanap ng mga manggagawa. Nang magkasundo na sila sa upa na isang denaryo maghapon, sila’y pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-iikasiyam ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa liwasang-bayan. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumaroon din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumaroon nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-iikalabindalawa ng tanghali at nang mag-iikatlo ng hapon, at gayun din ang ginawa niya. Nang mag-iikalima ng hapon, siya’y lumabas uli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo tatayu-tayo lang dito sa buong maghapon?’ “Wala pong magbigay sa amin ng trabaho, e!’ sagot nila. At sinabi niya, ‘Kung gayon, pumaroon kayo at gumawa sa aking ubasan.’
“Pagtatakip-silim, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at sila’y upahan, magmula sa huli hanggang sa buong nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-iikalima ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang denaryo. At nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa’y tumanggap din ng isang denaryo. Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sabi nila, ‘Isang oras lang pong gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagpagal at nagtiis ng nakapapasong init ng araw. Bakit naman po ninyo pinagpare-pareho ang upa sa amin?’ At sinabi niya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo? Kunin mo ang ganang iyo, at umalis ka na. Maano kung ibig kong upahan ang nahuli nang tulad ng upa ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin ang aking maibigan sa ari-arian ko? O naiinggit ka lang sa aking kabutihang-loob?’ Kaya’t ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
A. Pagmamasid
Naranasan mo na bang makaramdam ng inggit sa iyong kaibigan o kapatid? Halimbawa kumakain kayong magkakapatid ng pasalubong na pansit ni tatay at sinabi ng isang kapatid mo na nagugutom pa siya. Anong naramdaman mo na tila mas maraming nakaing pasalubong ang iyong kapatid kaysa sa iyo? O di kaya, napapansin mo na sa inyon klase ay iilang bata lang ang tinatawag upang mag-perform ng dance number sa foundation day ng inyong paaralan. Paano kung gustong gusto mo rin sumali pero hindi ka naman napipili sumayaw?
“Kunin mo ang ganang iyo, at umalis ka na. Maano kung ibig kong upahan ang nahuli nang tulad ng upa ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin ang aking maibigan sa ari-arian ko? O naiinggit ka lang sa aking kabutihang-loob?’ Kaya’t ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.” Mt 20:14-15
B. Paghahawi
‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Di ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw?...Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
C. Pagtatabas
Sa ating paglilingkod sa simbahan, mahalaga ang ating taos-pusong pagbibigay sa ating sarili at sa pakikipagkapwa sa iba.
D. Pagsasaayos
Kailangang alisin natin ang inggit sa ating kapwa. Matanggap natin na may karapatan ang lahat ng tao na maglingkod sa Diyos at tumanggap ng nararapat na mga biyayang galing sa Kanya.
E. Pagdiriwang
Kumatha ng panalangin upang gabayan tayo ng Panginoon na huwag maging maiinggitin sa kapwa.
I-download ang katolago worksheet para sa linggong ito mula sa ating FB page na www.fb.com/katolago o sa www.katolago.com
Sources:
Yaman ng Salita, Word and Life Publications
Paghahawan, Diocese of Novaliches
Pagninilay sa gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.
_______________________________________________________________
Коментарі